Common sense
(Huling Bahagi)
DALAWANG bagong testigo ang iprinisinta ng prosecution, sina Binoy at Al, para sa paglilitis ng petition ni Lily na mabigyan ng piyansa.
Sabi ni Binoy na sa araw na namatay si Franco, nakarinig siya ng putok ng baril at nakakita ng tatlong lalaking tumatakbo pupunta sa kotse ni Lily. Sabi naman ni Al na inutusan siya ni Lily na maghanap ng hired killer. Ginamit ng RTC ang mga testimonyang ito bilang basehan sa pagtanggi ng petisyon ni Lily para sa piyansa.
Iniutos ng bagong RTC branch kung saan na re-raffle ang kaso na idismis ang kasong murder laban sa mga akusado kasama na si Lily at Berto pagkatapos ng ebalwasyon ng ebidensya alinsunod sa mga utos ng CA at SC. Binase ng presiding judge ng bagong branch ang utos: 1.) hindi kapani-paniwala ang testimonya ni Rina, Nesty at Dan dahil sa kanilang pagbawi nito; 2.) imposible na narinig at nakita ni Dan at Nesty ang pag-uusap ni Lily at Berto dahil sa pisikal na kaanyuan ng gusali na tinitirhan ni Lily; 3.) kakulangan ng ebidensya sa antas ng prosecution para mapatunayan ang probable cause at 4.) hindi kapani-paniwala ang testimonya nina Binoy at Al dahil sa kawalan ng corroborating evidence.
Nag-file ng petition for certiorari si Domeng. Binaliktad at pinawalang bisa ng CA ang order ng RTC. Ayon sa CA mayroong probable cause laban kina Lily at Berto na nangangailangan ng paglilitis upang mailabas ang katotohanan sa likod ng testimonya ng mga testigo. Tama ba ang CA?
MALI. Ang unang trabaho ng presiding judge kapag ang impormasyon ay nai-file sa korte ay alamin kung mayroong probable cause para sa paghuli sa mga akusado. Ang probable cause ay lupon ng mga katotohanan at sirkumstansya na kapani-paniwala sa isang matinong tao na ang krimen ay nagawa ng taong dapat aarestuhin. Sa pag-alam ng probable clause, titimbangin ng isang ordinaryong tao ang mga katotohanan at sirkumstansya nang hindi kumukunsulta sa rules of evidence dahil wala siyang kaalaman dito. Umaasa lamang siya sa common sense. Higit pa sa hinala ang hinihingi ng probable cause; ngunit ito’y menos na ebidensiya para sa kondenasyon.
Sa kasong ito muling sinuri ng RTC ang mga record ng kaso at nagsagawa ng malayang ebalwasyon ng ebidensya na pinakita para alamin kung mayroon ngang probable cause. Pagkatapos ng ebalwasyon ay walang nahanap na probable cause. Hindi rin niya inabuso ang kanyang discretion. Kailangang alamin ang probable cause upang sa umpisa pa lamang ay ma protektahan ang mga akusadong pinaratangan ng krimen (Santos and Bunda vs. Orda, Jr. G.R. 189402, May 6, 2010).
- Latest
- Trending