Talamak na red tape sa RP
MULING pinuna ng mga negosyante ang talamak na red tape sa Pilipinas, kung saan ay napakahirap umanong magproseso ng mga papeles at iba pang business requirements sa mga ahensya ng pamahalaan.
Ito ay base sa report ng Political and Economic Risk Consultancy (PERC) mula sa survey nito sa 1,373 middle and senior expatriate executives sa 12 bansa. Ayon sa PERC, ang red tape sa Pilipinas ang isa sa mga pangunahing dahilan kung bakit hindi gaanong pumapasok sa ating bansa ang mga dayuhang mamumuhunan. “Illegal fixing is well-entrenched in the Philippine bureaucracy,” dagdag ng PERC.
Base sa report, sinasadya ng ilang tiwaling opisyal ng pamahalaan na gawing mahirap ang pakikipagtransaksyon sa kanila upang mapilitan ang mga negosyante at publiko na maglagay ng perang pampadulas o kaya ay kumuha na lang ng fixer na tauhan din mismo ng naturang public official. Ayon pa sa mga pag-aaral, sangkot sa gawain ang ilang matataas na opisyal ng pamahalaan.
Sa 12 bansang na-survey ng PERC, ang Pilipinas ang pangatlo sa may pinakatalamak na red tape. Una ang India at ikalawa ang Indonesia. Ang Singapore naman umano ang may pinaka-episyenteng burukrasya, kasunod ang Hong Kong.
Tumpak ang sinabi ng PERC na lalong lalayo ang mga investor sa ating bansa hangga’t nananatili ang ganitong sitwasyon na nahihirapan silang magproseso ng mga business requirement sa mga ahensya ng gobyerno.
Kami ng aking panganay na anak na si Senate President Pro Tempore Jinggoy Ejercito Estrada ay nananawagan sa pamahalaan na aksyunan ang problemang ito. Paano gaganahan ang mga negosyante na maglagak ng puhunan at magtayo ng negosyo sa ating bansa kung pinahihirapan sila pagproseso ng kanilang business papers at requirements para mapilitang maglagay o magpadulas ng pera?
- Latest
- Trending