IBINEBENTA ng magsasaka ang mga tuta. Nagpinta siya ng karatula na ipinako sa bakod. Habang nagmamartilyo siya, may humila sa overalls niya. Lumingon siya pababa sa mga mata ng batang lalaki. “Manong,” anang bata, “bibili po sana ako ng tuta.”
Sumagot ang magsasaka, “Sige, mahusay ang lahi ng magulang ng mga tuta; pumili ka na.”
Yumuko ang bata. Dumukot sa bulsa at iniabot ang barya sa magsasaka. Tanong ng paslit, “Kasya na po ba ang P22 para masilip sila?”
“Oo ba,” sabi ng magsasaka, kinuha ang sinsilyo, at sumutsot sa direksiyon ng bodega. “Psst, Brownie, psst, labas na rito.”
Mula sa bodega tumakbo papalapit ang magandang asong si Brownie, kasunod ang apat na matitipunong tuta. Tuwang tuwa ang bata.
Habang naghaharutan ang mga tuta sa may paanan niya, napansin ng bata na may kumakaluskos sa bodega. Naiwan pala doon ang isa pang tuta. Kapansin-pansing maliit ito kaysa mga kapatid. Paika-ika itong pilit na humabol sa kanila.
“Gusto ko siya,” anang bata sa magsasaka habang tinuturo ang lulugo-lugong tuta.
Dumukwang ang magsasaka sa tabi ng bata at nagsabi, “Totoy, aanhin mo ang mahinang tuta na ‘yan. Hindi siya makakatakbo para makipaglaro sa iyo, na di-tulad ng malulusog na iba. Baka sumama lang ang loob mo.”
Umatras nang konti ang bata. Nililis ang laylayan ng long pants. Ipinakita ang artificial na mga binti, gawa sa bakal, mula tuhod hanggang espesyal na sapatos. Tumingala ang bata sa magsasaka, “Manong, ako rin po ay hindi nakakatakbo,” aniya, “kailangan ng tuta ng makakaintindi sa kalagayan niya.”
* * *
Lumiham sa jariusbondoc@workmail.com