EDITORYAL - Putulin ang red tape
AYAW na ayaw ng mga foreign investors sa mga bansang talamak ang red tape. Kapag sinabing red tape, ito yung suhulan o lagayan ng pera para mapabilis ang transaksiyon ng nilalakad na papeles. Tinatawag ding padulas. Kailangang magkaroon ng perang padulas para maging mabilis ang pag-usad ng anumang inaayos na dokumento. At sa ganitong sistema namumuhi ang mga dayuhang investors. Galit na galit sila sa mga gumagawa nito.
At maraming gumagawa ng ganito sa Pilipinas. Masyadong talamak ang red tape sa bansang ito. At tingnan ang resulta, iniiwasan ang Pilipinas ng mga dayuhang investors. Hindi sila baliw para mag-invest sa bansang laganap ang red tape o ang corruption. Hindi sila maaaring maglagak ng pera sa isang bansang tirahan ng mga masahol pa sa gutom na buwaya. Ang mga buwaya raw, kapag nabusog na ay tumitigil pero ang mga corrupt, kahit busog na busog na at umaapaw na ang pera sa bulsa, kukurakot pa.
Sa halip na dito sa Pilipinas mag-invest ng pera ang mga dayuhan, mas gusto nilang mag-invest sa Thailand, Taiwan at Hong Kong. Walang gaanong red tape sa mga nabanggit na bansa hindi katulad sa Pilipinas na pumapangatlo sa mga bansa sa Asia na talamak ang red tape. Batay sa survey ng Political and Economic Risk Consultancy (PERC) nangunguna ang India na ang rank ay 9.41. Sinundan ito ng Indonesia, 8.59; Pilipinas, 8.37; Vietnam, 8.13; China, 7.93; Malaysia, 6.97; Taiwan, 6.60; Japan, 6.57; South Korea, 6.13; Thailand, 5.53; Singapore, 2.53 at Hong Kong, 3.49.
Ilang taon na ang nakararaan, maraming American investors ang nagbanta na aalisin nila ang mga negosyo sa Pilipinas kapag hindi natigil ang red tape sa maraming ahensiya ng gobyerno. Natigatig naman si President Arroyo at para mapigilan ang mga namumuhunang dayuhan, binuo ang anti-corruption task force at isasailalim sa imbestigasyon ang mga opisyal at empleado na sangkot sa red tape. Pero, sa simula lamang ito naging maigting. Makaraan lang ang ilang panahon, balik sa dati at mas malala pa. Talamak ang red tape sa LTO, BIR, DPWH, DepEd at marami pang tanggapan. Maski mismo si Mrs. Arroyo at kanyang asawa ay nasangkot. Isa rito ay ang NBN-ZTE deal pero inabsuwelto rin sila ng Ombudsman.
Sa Hunyo 30, 2010 ay bababa na si Mrs. Arroyo at manunumpa naman si Noynoy Aquino bilang bagong presidente. Sinabi ni Noynoy noong nangangampanya na kung walang corrupt, walang mahirap. Hihintayin ng mamamayan ang pagdurog niya sa mga corrupt at tuluyang pagputol sa red tape.
- Latest
- Trending