SABI ng iba – bakit ginagawa pang malaking isyu ang nasilat na $329-milyong national broadband project sa kompanyang ZTE ng China? Tutal daw nahadlangan ang implementasyon nito matapos lumantad ang isang Jun Lozada para ibunyag ang anomalya na nagdadawit mismo kay Presidente Arroyo at sa kanyang esposong si Mike Arroyo.
Sagot ng barbero kong si Mang Gustin: “Nasilat nga pero mayroon nang tumanggap ng mga paunang dambuhalang komisyon mula sa korporasyong Tsino. Dapat lang makalaboso ang mga iyan!”
Di natin masisisi ang mga kababayan nating ganyan ang damdamin. Kasi, habang marami ang naghihirap na mamamayan ay may mga opisyales na nagpapasasa sa kapangyarihan para tumaba ang lukbutan.
Bukod diyan, sa nalalabing ilang araw ni Presidente Arroyo sa kapangyarihan, nilinis ng Ombudsman ang pangalan niya at ng asawang si Mike Arroyo sa anomalya. Bulalas ni Mang Gustin, “dalawang maliliit na dilis lang ang nasabit.” Ibig niyang sabihin, sina dating COMELEC Chair Ben Abalos at ex-NEDA Chief Romulo Neri na ngayo’y tinataguriang mga “fall guys”.
Kamakailan, nilinis din ng Ombudsman ang pangalan ng ilan pang opisyales ng Malacañang na naunang inakusahan ng “obstruction of justice” dahil sa tangkang hadlangan ang pagtestigo sa Senado ni Lozada sa kaso. Marahil, ngayon pa lang ay “sising-alipin” na sina Abalos at Neri dahil sa pagiging malapit sa kusina ng Palasyo. Sa ganyang pangyayari, baka naman tuluyan nang kumanta ang dalawang ito hinggil sa mga bagay na hindi nila naisiwalat noon dahil sa tinatawag na “executive privilege”
Abangan na lang natin ang pag-upo sa trono ng kapangyarihan ni president-in-waiting Benigno “Noynoy” Aquino III para mabigyan na ng katarungan ang usaping ito. Nang makipagkita kay Noy ang embahador ng China kamakailan, nangako ang naturang bansa na makiki-pagtulungan para malutas ang kaso. Harinawa!