'Sayonara'
All is fair in love. Sa larangan ng pag-ibig lahat ay patas. Hindi n’yo ba napapansin na may mga pagkakataon kung sino pa ang tunay na nagmamahal siya pa ang madalas na sinasaktan o tinatapakan?
“Naging napakabuti mo sa akin, hindi ka nagkulang. Para sa akin ‘perfect’ ka pero hindi ko sinasadya na biglang maramdaman kong … may mahal na kong iba!”
Ito ang laman ng sulat galing sa asawa ng ‘complainant’ na nagsadya sa amin. Siya si Reynaldo Flores Jr. ng San Isidro, Nueva Ecija.
Kinuwento ni JR ang sakit na nadama niya sa panloloko ng asawang si ‘Jennifer’, mas kilala sa tawag na ‘Efer’.
Estudyante palang si JR nang siya’y ipakilala ng hipag niyang si Janet kay Efer. Mag-best friend si Janet at Efer kaya’t madalas ang dalaw ni Efer sa bahay nila JR. Maganda si Efer… matangkad, maputi. Ang mga katangiang ito ang nag-udyok kay JR na pormahan ang dalaga. Makalipas ang pitong linggo, sinagot naman agad siya ni Efer.
“Matagal na kong inaaya ni Efer magpakasal pero nung mga panahong iyon nag-aaral pa ko ng kursong Commerce. Sinabi ko sa kanyang tatapusin ko muna ang kolehiyo at papakasalan ko siya,” mga pahayag ni JR.
Pitong buwang matapos grumaduate si JR natuloy na rin ang matagal na hinihintay ni Efer na kasal. Ayos naman ang kanilang pagsasama. Ang tanging hangad ni Efer ay makatulong sa kanyang mga magulang na hindi kinakailangang humingi sa kanyang asawa.
“Matagal naming pinag-usapan ito. Pinagtalunan pa nga. Sinabi niya sa akin na payagan ko siya dahil hindi lang makakatulong siya sa kalagayan naming dalawa kundi mabibigyan niya pa ang kanyang pamilya. Ayoko namang ipagkait ang pagkakataon na guminhawa rin ang buhay nila bagamat okay naman kaming mag-asawa,” paliwanag ni JR.
Taong 2002 lumipad si Efer sa Hamamatsu, Japan. ‘Entertainer/ singer’ sa restaurant ng isang kaibigan ang naging trabaho ni Efer.
Linggu-linggo kung magsulatan ang mag-asawa. Si Efer naman, tuwing madaling-araw kinakamusta si JR sa cell phone. Makalipas ang anim na buwan bumalik si Efer.
“Naging mainit ang aming pagkikita. Parang araw-araw naghahabol kami ng oras dahil alam mo matatapos ang isang buwan babalik agad siya dun,” kwento ni JR.
Dalawang taong nagpabalik-balik si Efer sa Japan. Taong 2004, umuwi si Efer at natagalang bumalik sa Japan. Dalawang taon siyang nanatili sa Pilipinas. Binuhos nilang mag-asawa ang oras sa pagpapalago ng kanilang naipundar na negosyo, ang ‘canteen’.
Makalipas ang dawalang taon, bumalik si Efer sa Hamamatsu. Pagdaan ng ilang linggo, iminungkahi ni Efer na bawas-bawasan ang kanilang pagtatawagan para makatipid. Siya na raw ang tatawag dahil mas mura kapag ginamit ang kanyang ‘roaming number’. Mula sa lingguhang pag-uusap, nauwi sa isang buwan at kapag nag-uusap sila, naramdaman ni JR ang pagbabago kay Efer.
Nagduda si JR nang napadalas ang pag-uwi ni Efer, kada apat na buwan na ito kung bumalik sa Pinas.
“Tinanong ko si Efer kung bakit hindi siya nahihirapang magpabalik-balik dito, ang sagot naman niya, tinutulungan kasi siya ng kaibigan niyang Pinay na malakas sa embassy,” kwento ni JR.
Pakiramdam ni JR, may tinatago ang asawa ngunit wala siyang basehan para patunayan ito. Maraming balita ang nakarating sa kanya na may asawang Hapon itong si Efer at dito sa Pilipinas nagpakasal. Sa laki ng pagmamahal niya sa asawa kahit sino o ano ang sabihin sa kanya, hindi siya naniniwala.
Binaling ni JR ang oras sa negosyo nila. Para di siya mabagabag sa mga taong tingin niya’y nang-iintriga sa kanyang asawa.
Pebrero taong kasalukuyan, isang sulat ang inabot sa kanya ng kaibigan ni Efer. Naglalaman ang sulat ng pag-amin ni Efer na wala na siyang pagtingin kay JR. Humihingi siya ng tawad at ang pagtatapat niya na nagpakasal siya sa isang Hapon. Nakalagay din sa sulat ang pagpaparte ng mga napundar nilang mag-asawa. Kung saan binibigay na nito ang Canteen kay JR kapalit ang paupahan nila.
Nagbalik sa isipan ni JR ang mga sumbong na may asawang Hapon si Efer. Para masiguro kung totoo nga ito, kumuha siya ng Certificate of No Marriage (CENOMAR) sa National Statistics Office, Manila Branch.
Kumpirmado, dalawang beses nagpakasal si Efer. Lumabas na nagpakasal si Efer sa nagngangalang Yuichi Sugiyama noong Marso 29, 2006 sa Metro Manila, District II.
“Ayaw ko na siyang makausap dahil baka kung anong masabi ko sa kanya. Lahat nang ito gusto kong ilagay lahat sa legal na proseso, sobrang sakit ng ginawa niya sa’kin!” hinanakit ni JR.
Naisipan niya na lumapit sa isang kaibigan na isa ring broadcast journalist na si Eli Aligora. Inilapit siya sa amin at itinampok naman namin ang istorya ni JR sa aming programa sa radyo “Hustisya Para Sa Lahat” ng DWIZ882 (tuwing 3:00 ng hapon).
Pakiramdam ni JR na nandito lang sa Pilipinas si Efer kasama ang asawa niyang Hapon. Ayon na rin sa kagustuhan ni JR na gumawa ng legal na hakbang laban kay Efer, binigyan namin siya ng libreng abogado upang gawin ang kanyang reklamo para sa kasong ‘Bigamy’. Sa ngayon, naisampa na ang kaso sa Prosecutor’s Office, Quezon City at inaantay na lang ang resolusyon.
SA AMIN DITO SA CALVENTO FILES, sa lakas ng ebidensyang dala ng dokumentong pagpapakasal ni Efer ng pangalawang beses, mahihirapan itong malusutan ang kasong isinampang bigamy. Kapag nangyari ito, lahat ng naipundar habang sila’y mag-asawa ay ipagkakaloob ng Korte sa naagrabyadong partido. Masakit para sa lalaking Pinoy ang mapendeho, higit na mas masakit kapag pinindeho ka na tinarantado ka pa. Gaya ng ginawa ni Efer na dito pa mismo sa Pilipinas nagpakasal, parang binudburan ng asin ang sugat ni JR.
(KINALAP NI MONIQUE CRISTOBAL)
SA gustong dumulog ang aming mga numero, 09213263166 o 09198972854. Ang landline ay 6387285 at 24/7 hotline 7104038. Maaari rin kayong magpunta sa 5th floor City State Center Bldg., Shaw Blvd., Pasig City. Bukas din kami tuwing Sabado 8:30AM-12NN.
* * *
Email: [email protected]
- Latest
- Trending