KUNG bumagsak man sa Physical Fitness Examination Test ang may 40 porsiyento ng pulis sa Metro Manila, hindi ito batayan na nagpapabaya na sila sa kanilang tungkulin, dahil ang ilan naman sa kanila ay pasado sa aktwal na pakikisagupa sa mga masasamang loob. Katulad na lamang sa ipinakitang gilas ng Quezon City Police Department (QCPD) bilang paglilinis este paghahanda sa “Balik Eskuwela” 2010.
Mantakin n’yo, tatlong beses nakipagsagupa ang mga taga-QCPD sa may Elliptical Road, Quezon City Circle. Ang unang sagupaan ay noong Miyerkules ng madaling araw sa pagitan ng mga tauhan ni Supt. Marcelino Pedrozo ng District Police Intelligence Unit (DPIOU) at dalawang carnapper sa gilid ng NHA Central Office sa Maharlika St., at Elliptical Road, Bgy. Old Capitol Site. Nag-ugat ang barilan nang sitahin ng Mobile Car 127 ang dalawang taong magkaangkas sa motorsiklo. Sa halip huminto, humarurot palayo kaya hinabol ng mga pulis. Nang makorner, nagpaputok ang isa sa nakaangkas sa motorsiklo. Nagpalitan na ng putok. Nang mahawi ang usok, nakatimbuwang na ang dalawa.
Ang ikalawang sagupaan ay sa Quezon Avenue malapit sa Lung Center of the Philippine. Dalawang miyembro ng Automated Teller Machine (ATM) gang ang napatay noong Huwebes ng madaling araw. Naispatan ng Criminal Investigation and Detection Unit ang isang motorsiklo na inalarma ng Galas Police Station. Nagpapaputok ang mga suspek at gumanti ang mga pulis. Narekober ang wallet at ATM card ng biktima sa bulsa ng isa sa mga suspek.
Ang ikatlong sagupaan ay naganap sa may North Avenue at Elliptical Road noong Biyernes ng madaling araw kung saan dalawang holdaper ang napatay. Naispatan ng mga tauhan ni Supt. Pedrozo ang isang taxi at nakita sa trunk niyon ang drayber na si Ricky Aujero. Hinoldap pala si Aujero at isinilid sa trunk ng mga suspek. Nagkaputukan. Bumulagta ang dalawang holdaper ngunit nakatakas ang isang kasama.
Sa ipinamalas ng QCPD, tinitingala sila ng mga kabaro ngayon. Handang-handa kasi sila sa pagbibigay ng seguridad sa mamamayan. Palakpakan natin ang QCPD!