HABANG bumabaybay ng C-5, napansin ko na matataas na ang mga pader na gawa sa bakal at cyclone wire na nilagay sa center island, para pigilin ang mga tumatawid sa kalye. Marami na rin ang namatay sa pagtawid ng nasabing kalye. May pedestrian overpass naman para sa mga kailangang tumawid. Pero napansin ko na may tumatawid pa rin, at tila walang mataas na bakod dahil lumusot lang ito at nakatawid sa kabilang bahagi ng kalye. Hindi ako mapakali at pinaikot yung driver. Doon ko nakita na may bahagi ng cyclone wire na sinira para magkasya ang tao.
Ano ba dapat ang kailangang gawin para sabihin sa mga taong naninirahan sa lugar na iyon ng C-5 na bawal tumawid, dahil peligroso? Darating ang panahon na kailangang lagyan ng kuryente ang cyclone wire para hindi mahawakan. Ang masama pa, kapag nasagasaan ng sasakyan ang mga tumatawid dito, automatic kasalanan ng driver. Walang kalaban-laban ang mga driver sa kasong ganito.
Matulin ang mga sasakyan sa C-5. Ginawa ito para mapabilis ang pagtungo sa SLEX. Nilagyan ng pedestrian overpass para sa kaligtasan ng mga tumatawid. Nagtayo ng pader na cyclone wire sa gitna para harangin ang mga nagpupumilit pang tumawid. Ano na ang gagawin kung masyado nang pasaway? May hangganan ang kayang gawin ng gobyerno para maging ligtas lang ang mamamayan. Kung ang tao mismo ang ayaw malayo sa peligro, ano na ang gagawin?
Isang halimbawa lang ito ng mga masasamang kaugalian ng ilang mga Pilipino. Ibinibigay na nga lahat para maging ligtas, itatabi lang. Hindi lang sa C-5 nangyayari ito kundi sa halos lahat ng tawiran sa Metro Manila kung saan may overpass. At ang malungkot, may mga napupuruhan ng sasakyan, bagama’t hindi madalas, pero may namamatay.