UMULAN noong Biyernes ng hapon sa maraming bahagi ng Metro Manila. Maraming nasorpresa sapagkat walang palatandaan na bubuhos ang ulan. Maraming walang dalang payong kaya maraming nabasa. Maski ang PAGASA ay walang anunsiyo na uulan. Ilang oras ding bumuhos ang ulan at ang resulta ay ang matinding trapik. Nagkaroon ng trapik dahil nagkaroon ng baha. Imagine, ganoong kaikling pag-ulan lang pero nagdulot na agad ng pagbaha. Paano kung buong araw na walang tigil ang buhos, baka maulit ang nangyari noong September 26, 2009 na binaha ang Metro Manila.
Grabeng trapik ang naranasan sa EDSA sapagkat may mga bahaging lubog sa tubig. Gumapang ang mga sasakyan sa East Avenue, QC sapagkat hang gang tuhod ang tubig. Sa Quiapo area ay matindi rin ang trapik dahil umiiwas sa baha ang mga sasakyan. Nagkabuhul-buhol. Inabot ng ilang oras bago bumalik sa normal ang trapiko.
Kinabukasan, inanunsiyo ng Philippine Navy na handa sila sa pagsapit ng baha. Inihanda na ang kanilang mga rubber boat na gagamiting pang-rescue sa mga binaha, Noong nakaraang taon, nasorpresa ang maraming tanggapan ng gobyerno nang manalasa ang baha. Bago sila nakakilos marami nang mga residente ang nasa bubong ng kanilang mga bahay particular ang mga taga-Marikina. Umabot hanggang sa second floor ang tubig. Kinailangan ng navy na isakay sa MRT ang mga rubber boat para makarating sa Marikina.
Ang baha na ginawa ni Ondoy ay maaaring maulit. Kung sa kaunting ulan lang ay bumabaha na agad ang Metro Manila kagaya noong Biyernes, paano pa kung panahon na talaga ng pag-ulan at mga bagyo. Ganoon pa man, tama naman na ihanda ng Navy ang mga rubber boats para madaling makaresponde. Sanayin na rin ang mga personnel nila para nakahanda na sa pagsapit ng baha.
Ipagpatuloy naman ng Metro Manila Development Authority ang paglilinis sa mga baradong kanal at estero. Marami na namang basura nagkalat. Magkaroon naman ng disiplina ang mamamayan sa pagtatapon ng basura.