Permanenteng gun ban
PINAG-AARALAN ng PNP kung palalawagin pa ang nationwide gun ban, kahit tapos na ang eleksyon. Kapansin-pansin kasi ang binaba ng mga bayolenteng insidente na may kinalaman sa pulitika, pati na ang pagbaba ng krimen mula nang pinatupad ang Comelec gun ban. Malaki ang nagawa ng PNP at AFP para mapatupad ng seryoso ang gun ban, kasama na ang mapagbantay na publiko. Bukod sa gun ban, marami rin ang tinanggihan ng Comelec ng exemption sa nasabing ban. Marami ang mga nag-apply para sa exemption, pero tinanggihan. Malamang ito yung mga duwag na hindi mapakali kapag wala nang baril sa tabi nila. Wala namang tunay na dahilan para magpatuloy magdala ng baril sa labas ng tahanan.
Wala rin yata akong narinig o nabasa na insidente ng barilan sa kalye dahil lamang sa alitan sa trapik, katulad ng ginawa ng abogado na pumatay ng dalawang tao sa Shaw Blvd. Babae pa naman ang isa at parehong hindi armado. Ano na ang nangyari sa kasong iyon? Winalis na lang ba o ibinasura, dahil may kamag-anak yung kriminal sa Sandiganbayan? Ano kaya? At ano rin ang nangyari sa higit tatlong libong tao na lumabag sa Comelec gun ban? Kinasuhan na ba silang lahat? Pinakawalan na lang ba yung iba dahil kapwa pulis, dahil may matinding padrino, dahil mayaman at nagbayad na lang ng suhol?
Sa datos na mismo ng PNP, mas mababa ang bilang ng mga bayolenteng insidente sa bansa. Baka sa probinsiya na lang laganap pa rin ang barilan, pero sa mga kilalang “hotspots” na lang tulad ng Mindanao at ARMM. Pero may mga kilalang lugar din na nabawasan nang husto ang mga insidente, katulad ng Masbate. Marami ang hindi karapat-dapat na magdala ng baril. Madali lang kasing bayaran ang isang lisensiya at anumang requirement para makabili at bumitbit ng baril. At ang kapangyarihan na dulot ng pag-aari ng baril ay madaling abusuhin. Kailangan lang natin tumingin sa Maguindanao massacre at ang mga sumunod na rebelasyon ukol sa kaso. Mga libo-libong armas na nahukay mula sa kanilang mga lupain.
Sigurado maraming aalma sa permanenteng gun ban. Alam na natin kung sino itong mga ito. Ito yung mga mayayabang sa kalye. Ito yung mga maaangas sa lansangan. Ito yung mga duwag na nawawala ang tapang kapag hindi na armado. Kung sasabihin nila na nasa peligro ang buhay nila kaya dapat may baril, may nangyari ba sa kanila itong taon na ito nang ipatupad ang gun ban? Hindi ba sila lumabas ng bahay ng ilang buwan dahil hindi na sila armado? Iyan ang mga tanong na dapat masagot. Suportado ko ang panukala ni PNP Chief Jesus Verzosa na pahabain pa ang gun ban. At kung magbibigay sila ng mga special exemption, sana piliin nila yung mga responsable talaga, hindi lang yung mga rekomendado ng gun clubs.
- Latest
- Trending