KALALAPAG lamang ng grupo ng BITAG sa Pilipinas mula United States. Isang trabaho ang inasikaso namin at itatampok ito sa aming programa sa mga susunod na linggo.
Bukod sa confidential case na ito, masuwerteng nakatrabaho muli ng BITAG ang Fil-American cop ng Daly City, California na si Officer Ed Gregorio.
Pinayagan muli ng Daly City Police na sumama kami sa patrol ride along. Muli naming nasaksihan at naidokumento ang iba’t ibang kasong nire-respondehan ng mga Fil-Am cops sa lansangan.
Mula alas-9 ng gabi hanggang alas-dos ng madaling araw, kasa-kasama ni Officer Gregorio ang BITAG sa paglibot niya sa buong Daly City, California.
Dalawa sa mga kasong nirespondehan namin, kinabibilangan ng mga kababayan nating matagal nang naninirahan sa Daly City at ngayo’y mga legal na mamamayan na ng US.
Isa rito ay ang pagsasapakan ng dalawang kababaihang Fil-American sa Mission St., Daly City.
Duguan, puno ng kalmot at sugat sa mukha at kapwa may black eye ang dalawa nang datnan sila ng mga pulis ng Daly City kasama ang BITAG.
Ang dahilan, ng kanilang buntalan, selosan. Isang lalaki ang kanilang pinag-awayan.
Ilang residente sa Mission St., ang tumawag sa 911 at nag-report na may babaing duguang humihingi ng saklolo.
Dito natunton ng mga pulis ng Daly City, kasama si Officer Gregorio ang kinaroroonan ng nambugbog sa kanya.
Subalit pagbukas ng bahay kung saan naganap ang away, saka lamang nalaman ng mga pulis na ang duguang babaing nagrereklamo ay siya mismong suspek sa nasabing awayan.
Abangan sa BITAG, sa mga susunod na linggo ang buong istorya ng kasong ito.