MARAMI ang naloloko dahil sa simpleng pagtitiwala lamang. Ang masakit dito, kadalasan kaibigan, kamag-anak o malapit sa iyong kalooban ang mga nanloloko.
Lalo na kung pag-uusapan ang negosyo o may temang pagkakaperahan. Ang taong may maitim na balakin sa iyong kapwa, naaamoy kung papaano huhuthutan ang kaniyang biktima.
Katulad na lamang ng sumbong na inilapit ni Mang Danny sa BITAG, isang kaibigan ang sumira ng suwerteng inabot niya sa pinasok na bagong negosyo.
Kasagsagan ng eleksiyon sa ating bansa kung saan mabenta ang mga campaign materials at paraphernalia katulad ng streamers, banners, stickers, t-shirt at marami pang iba.
Kahit bago at wala pang kasanayan ay pinasok ni Mang Danny ang pagsusuplay ng campaign t-shirt sa mga pulitiko sa Metro Manila.
Agad namang nakasara ng kontrata si Mang Danny na nagkakahalaga ng mahigit tatlong daang libong piso para sa sampung libong pirasong t-shirt.
Agad naman itong naamoy ng kaibigang retired colonel at nagprisinta itong siya ang magbabagsak ng t-shirt kay Mang Danny.
Dahil kaibigan, tiwala naman itong nagbayad ng buo sa dorobong retired colonel kahit wala pa ang t-shirt sa kaniyang mga kamay. Kung tutuusin, ang isang negosyante kaliwaan dapat ang usapan.
Subalit ang naideliver, kalahati lamang ng kaniyang order. Pagkatapos nito, nagtago na ang dorobong colonel at ang kolokay nitong kinaka-sama.
Matapos raw ang tatlong linggo, naamoy na naman ng dalawa na may bagong kontratang order si Mang Danny. Bigla daw itong kumontak sa kaniya at nagpiprisinta ulit na magbabagsak ng mga t-shirt sa biktima.
Ang siste, para umorder sa kanila si Mang Danny, sinabi ng dalawa na mafo-forfeit ang unang naibayad ni Mang Danny kahit buo na ang bayad nito kung hindi na sa kanila bibili ng mga t-shirt.
Malakas na ang pang-amoy ng biktima, alam niyang susubain at iisahan na naman siya ng dalawanga manlolokong kaibigan.
Ang matindi rito, napag-alaman nilang kaliwa’t kanan ang warrant of arrest ng mag-asawa sa kasong estafa at illegal recruitment.
Ang aral, ‘wag papasok sa isang negosyong hindi kabisado. Mas mainam na kumonsulta sa mga eksperto.
Maging alerto dahil ang tiwala ay isang tulay ng manggagantso sa kanilang panloloko.
At kapag sa BITAG nagsumbong ang sinumang nagoyo, ang huling hantungan ng mga dorobo, kalaboso!