MULA nang lumantad ang whistle blower na si “Koala Boy” at sinabing may nalalaman siya sa hacking operation ng kauna-unahang automated election, marami nang nagsulputang kandidato at nag-akusang nagkaroon nga ng dayaan. Ang mga sulputan at nag-akusang nagkaroon ng dayaan ay pawang natalong kandidato. Bininyagang “Koala Boy” ang whistle blower dahil nakamaskarang kamukha ng koala, ang pambansang hayop ng Australia. Kung bakit mukha ng koala ang kanyang napiling maskara ay hindi na inurira pa. Si Makati Rep. Teodoro Locsin Jr. ang nagbinyag ng “koala bear” sa whistle blower. Una ring tinawag na si “Robin” ang whistle blower.
Ayon kay “Koala Boy” simple lamang ang pamamaraan ng pandaraya at ito ay ang pag-una sa pagta-transmit ng bilang ng boto. Kapag naunahan ang legitimate na resulta, tiyak na ang panalo ng kandidatong pinangakuan nila kapalit ng milyong piso. Ang unang na-transmit umano ang kinikilala ng machine. Ganoon lang kasimple. Pero sabi ng Comelec, mahirap mangyari ang sinasabi ni “Koala Boy” sapagkat may pirma at oras ng transmittal ang bawat machine na ginamit.
Palaisipan kung sino si “Koala Boy”. Binusisi ang pinanggalingan ng video ni “Koala Boy” at napag-alaman na galing ang kopya nito kay Speaker Prospero Nograles. Si Nograles ay kumandidatong mayor sa Davao City at natalo. Ibinigay naman ni Nograles ang video kay dating Executive Sec. Eduardo Ermita, na talunan din naman sa pagka-kongresista sa Batangas. Sinabi ni Ermita na ipinakita niya ang video sa ilang Catholic bishops. Wala naman daw siyang nalalaman sa production ng video. Nabulgar naman na may nalalaman din si dating Environment secretary Jose Atienza, natalong kandidato sa Maynila, ukol sa video ni “Koala Boy”.
Kung may katotohanan ang sinabi ni “Koala Boy” na nasabotahe ang election, dapat malaman ng taumbayan ang katotohanan bago maproklama ang presidente at bise presidente. Pero malalaman lamang ang katotohanan kung lalantad si “Koala Boy” at aalisin ang mascara. Kung nagsasabi siya ng totoo, hindi na siya dapat magmaskara at ilantad sa taumbayan ang nalalaman. Poprotektahan siya sa pagsasabi ng totoo. Kung nagsisinungaling, dapat maparusahan ganundin ang mga nasa likod niya.