KAHINA-HINALA ang mga ikinikilos ng Presidential Commission on Good Government (PCGG) ngayong papatapos na ang termino ni President Arroyo at paparating naman ang gobyerno ni Noynoy Aquino. Tila may mga kaduda-dudang galaw ang komisyoner ng PCGG. Hindi pa natatagalan nang lumutang ang isyu sa pagitan ng PCGG at ng Marcoses na may kaugnayan sa ill-gotten wealth. Inamin ni PCGG commissioner Ricardo Abcede na nakipag-usap siya kay Greggy Araneta, manugang ng namatay na diktador na si Ferdinand Marcos, sa posibleng “universal settlement” ng P140 billion na yaman. Pero itinanggi naman ni Araneta ang settlement. Wala raw midnight deal na nangyayari.
Ngayon naman ay ang mga alahas ni dating Unang Ginang Imelda R. Marcos ang may isyu. At si Commissioner Abcede na naman ang nasa balita. Gusto ng PCGG na ma-auction na ang mga confiscated na alahas ni Imelda bago raw matapos ang termino ni Mrs. Arroyo. Kapag daw na-auction ang tinatayang P15-bilyon na mga alahas, malaki ang maitutulong sa Arroyo at bagong gobyerno ni Noynoy. Ang lahat daw ng perang mapagbibilhan ng alahas ay ilalagak sa national treasury. Ayon sa report, patungo na sa bansa ang top officer ng Christie’s auction house mula London para makipag-usap sa PCGG para sa posibleng auction. Ang mga alahas na posibleng ma-auction ay yung mga naiwan ni Mrs. Marcos sa Malacañang nang tumakas sila noong 1986. Kasama rin doon ang mga nakumpiskang alahas nang dumating sila sa Hawaii.
Mahigit isang buwan na lamang sa Malacañang si Mrs. Arroyo at kung kailan siya aalis ay saka naman nagkukumahog ang PCGG na ma-auction ang alahas. Bakit hindi pa ito ginawa noon para napakinabangan na mamamayan na sakmal ng kadahupan? Bakit ngayon lang? Masyado kayang naging abala sa pagbibiyahe ang mga commissioner ng PCGG kaya hindi nila nagawa ang pag-auction o maski ang pagbawi sa iba pang “ill-gotten wealth” ng mga Marcos.
Ang PCGG ay itinatag ng Aquino administration noong 1986 para habulin ang mga nakaw na yaman ng napatalsik na diktador pero nawalan ng silbi. Walang pakinabang sa PCGG sa kabila na malalaki ang suweldo ng mga opisyal na iniupo rito. Nararapat magkaroon ng pagbabago sa PCGG sa liderato ni Noynoy para ganap na mabawi ang mga nakaw na yaman. Palitan ang mga iresponsableng opisyal ng PCGG!