Track record at integridad
TUWING magbabago ang administrasyon, yung mga dating nanunungkulan sa gabinete ay pinapalitan lahat. Marahil, bunsod na rin iyan ng political accommodation.
Pero ayon kay Rep. Erin Tañada ng partido Liberal, hindi ganyan si Presidential frontrunner Noynoy Aquino. Aniya, posibleng manatili ang ilang opisyal ng Arroyo administration kung sila’y mahusay at may integridad. Wika nga, maganda ang track record at walang bahid ng corruption. Tama iyan! Sa sistemang ito, si Noynoy ay maaaring maging isang unifying president. Naibalita na ang posibilidad na manatili sa puwesto sina Esperanza Cabral at Jose Ibazeta, na kapwa mga Arroyo appointees sa gabinete. Malamang din na manatli bilang PNP Chief si Jesus Verzosa, na subok ang katapatan sa Konstitusyon at magaling mamahala sa PNP.
Posible raw na mabigyan ng ibang security related position si Verzosa. Kamakailan, naging target si Verzosa ng init ng ulo ni Pangulong Arroyo nang sabihin niyang ang PNP, bilang protektor ng mamamayang Pilipino, ay hindi susuporta sa anumang balaking labag sa Saligang Batas at labag sa kalooban ng publiko kahit ito’y iutos pa ng Pangulo. Tila napikon si Presidente Arroyo kaya sa commencement exercises ng Philippine National Police Academy, hindi niya binati sa kanyang talumpati ang presensya ni Verzosa.
Hinangaan si Verzoza nang maghain siya ng courtesy resignation upang bigyang laya ang papasok na bagong administrasyon na balasahin ang PNP. Tiyak na magiging asset ng bagong administrasyon ang kaalaman ni Verzosa, bunga ng maraming taon, na nauukol sa pambansang seguridad. Malalim na rin ang kaalaman ni Verzosa sa kung ano ang kinakailangang gawin sa PNP para maipagpatuloy ang professionalization nito at maibalik ang kumpiyansa ng publiko sa naturang institusyon.
Ayon kay Verzosa, magsusumite siya ng isang 15-point roadmap na magsisilbing giya ng gobyerno sa paghubog sa PNP bilang isang world-class police force pagsapit ng 2030. Ang roadmap niyang ito, ayon kay Verzosa, “ay sumasalamin sa pagnanais ng papasok na administrasyon na magpatupad ng reporma sa bansa.” Kabilang sa masterplan na ito ang patuloy ng pagpapaunlad ng transformational PNP leaders sa lahat ng lebel at ang buong implementasyon ng model police station project sa buong bansa.
- Latest
- Trending