Bagong pag-asa
Ngayon ay bago na ang ating pangulo –
Anak ng bayani – bayani rin ito
Kung magagawa n’yang baguhin ang takbo
Maralitang buhay – buhay-Pilipino!
Sana’y tao siya na hindi gahaman
Sa hawak na pwestong ngayon ay nakamtan;
Sa anim na taon ng panunungkulan
Kasama mo kami sa tumpak na daan!
Ang ekonomiya nitong ating bansa –
Dapat palusugin nang hindi timawa
Mga mamamayang ngayon ay kawawa
At umaasa lang sa bigay-biyaya!
Dapat ding tuklasin ng bagong pangulo
Na ang edukasyon mapaganda ito
Sa silid-aralan ang dapat ituro
Matinong aralin at hindi pagago!
Kurapsyon sa Customs saka sa BIR –
Dapat ay matigil ang tong at lagayan;
Mga negosyante ay pangalagaan
Upang katulungin sa maraming hakbang!
Dapat pagsikapan ng ating gobyerno
Mga magsasaka’y umani nang husto;
Mga mangingisda sa lahat ng dako
Sa yaman ng dagat ay umaasenso!
Nasa sa publiko’t pribadong gawain
Dapat may umento sa sweldo’t tungkulin;
Ang anim na buwang batas sa employment
Dapat nang mawala o kaya’y ma-repeal!
Ang mga gawai’y di dapat kay Noynoy lang
Pati ang senador at mga congressman,
Mga gobernador, mayor at konsehal –
Tatrabahong lahat sa unlad ng bayan!
Kaya ngayon tayo ay dapat umasa
Darating sa atin ang bagong pag-asa;
Sa bagong pangulo’t ibang nahalal pa
Tayong mga Pinoy magiging masaya!
- Latest
- Trending