Hustisya hingi ni Rep. Abaya
TANGGAP na ni Cavite Rep. Plaridel M. Abaya ang kanyang pagkatalo kay Lani Mercado-Revilla, ang asawa ni Sen. Bong Revilla, bilang kongresista sa Distrito ng Bacoor. Ang hindi lang matanggap ni Abaya ay ang pagkamatay ng mga tauhan sa umano’y engkuwentro sa mga Bacoor police.
Binabagabag ang konsensiya ni Abaya kapag naalala niya ang magandang samahan nila ng kanyang chief of staff na si retired Col. Arnulfo Obillos at Master Sgt. Juanito Paraiso na escort naman niya. Kaya’t dumulog si Abaya kay PNP chief Dir. Gen. Jesus Verzosa hindi para iprotesta ang pagkatalo niya ke Mrs. Revilla kundi para ihingi ng katarungan ang pagkamatay nina Obillos at Paraiso. “Wala nang kinalaman dito ang halalan. Hustisya para sa malalapit kung mga tao at kaibigan ang mas mahalaga,” ito ang pahayag ni Abaya kay Verzosa. “Umaasa ako at mga kasamahan sa nakaraang kampanya na magkakaroon ng parehas at independiyenteng imbestigasyon ukol sa naganap na pamamaslang diumano ng ilang mga miyembro ng Bacoor Police station kay Obillos, Paraiso at pagkasugat ng malubha sa anak nitong si Neil (Obillos),” dagdag pa ni Abaya.
Matapos makipagpulong itong si Abaya kay Verzosa, dumulog ito sa opisina ng PNP Press Corps para sa isang press conference kung saan niliwanag niya na walang kinalaman ang pulitika sa nangyaring patayan noong Mayo 13. Iginiit din ni Abaya na walang balak ang kampo niya na maghiganti. Aniya, kaya sila lumapit kay Verzosa ay para magkaroon ng patas na imbestigasyon at maparusahan ang mga nagkasala. Ayaw kasing paniwalaan ng kampo ni Abaya ang panig ng pulisya ng Bacoor na nag-ala “Rambo” ang kanyang mga kasamahan doon mismo sa opisina ng Bacoor police.
Handa ang kampo ni Abaya na ibulgar kung ano talaga ang nangyari noong Mayo 13 sa korte o maging sa neutral na imbestigasyon na iutos ni Verzosa. Hindi naman binanggit ni Abaya kung ano ang bersiyon ng Bacoor police na inayawan niya subalit ang maliwanag diyan mga suki nangako siya na walang gantihan na magaganap para tuluyan ng magiging tahimik ang Bacoor na dati niyang pinaglingkuran. Makakatulog nang mahimbing hindi lang ang mga residente ng Bacoor kundi maging ang kampo nina Sen. Revilla at asawa niya, di ba mga suki?
Pinanindigan ni Abaya, kasama ang anak na si Rep. Joseph E. A. Abaya na sila ang naagrabyado sa patayan. Sa tingin kasi ng kampo ni Abaya, hindi nilitaw ng Bacoor police kung ano talaga ang tunay na pangyayari sa pagkamatay nina Obillos at Paraiso. Gagawin ng pamilya ni Abaya ang lahat ng hakbangin para mabigyan ng hustisya ang pagkamatay nina Obillos at Paraiso. Kaya ‘wag kayong kumurap mga suki ko dyan sa Bacoor at antabayan n’yo ang susunod na kabanata sa kasong ito. Abangan!
- Latest
- Trending