MUKHANG nagkakainitan na ukol sa umano’y mga kaso ng pandaraya noong nakaraang eleksiyon. Isa-isa nang naglalabasan ang mga “whistleblower” katulad ni “robin alyas koala bear”. Nalalagay sa spotlight ang Comelec at Smartmatic-TIM. Nagalit na si Cong. Teddy Boy Locsin sa isang opisyal ng Smartmatic sa pagdinig ukol sa dayaan. Si Locsin ang isa sa mga nagtanggol sa automated system noon. Dinepensahan niya ang sistema at sinabing hindi na raw madadaya ito. Pero sa mga inilapit at ipinakita sa kanya, tila nagbago ang kanyang pananaw. Siguro napahiya siya kaya sa galit, minura niya ang opisyal ng Smartmatic!
Ito’y may kaugnayan sa mga election returns na may mga oras at petsa bago mag-Mayo 10. Kung ito ang titingnan, parang lumalabas na may mga resulta na kahit hindi pa nagaganap ang eleksyon mismo. Lumalabas na inayos na ang nilalaman ng PCOS machines, CF cards. Pero ayon naman sa mga taga-Smartmatic, wala raw kinalaman ang mga maling oras sa mga resulta ng botohan. Ang pinatutunayan lang daw ng mga maling oras ay mali yung oras na naka-set sa makina, at pagkakamali nila ang hindi napansin ang ganitong pangyayari. Ano palang silbi ng oras o relo na nasa sistema ng mga PCOS? Kaya nga may oras para malaman kung anong oras naganap ang mga botohan at anong oras nagtapos. Pati na ang oras kung kelan nag-print ng mga kopya para sa iba’t ibang grupo at ahensiya at kung kelan nag-transmit. Kung baga, may record ang lahat ng kilos ng PCOS.
Mahalaga ang oras sa anumang makina. Natatandaan ninyo ang Y2K na problema nung papalapit na ang taong 2000? Lahat natakot dahil karamihan ng computer ay hindi nalagyan ng mga relo at kalendaryo na aabot ng taong 2000. May mga pangamba na magsasara na lang ang lahat ng mga computer at magkakagulo ang mundo. Ganun kahalaga ang oras sa isang computer. Dumaan nga ang 2000 at walang nangyaring gulo sa mundo, pero ito’y dahil sa inayos na ang mga relo at kalendaryo.
Naninindigan pa rin ang Smartmatic-TIM at Comelec na walang dayaang naganap katulad ng bintang ng mga ibang kandidato at grupo. Ang sabi nga nila, tama na, sobra na, ang mga alegasyon na wala namang mga pruweba. Pero hindi mo matatanggal basta-basta ang hinala ng iba, dahil nga sa mga pagkakamali ng Smartmatic-TIM sa kanilang sistema. Kung baga, nakahanap ang mga nagrereklamo ng puwedeng saksakan ng piso ang gilid ng takip ng lata ng biskwit para mabuksan. At malamang, ito nga ang pilit nilang hihingin. Na buksan ang mga balota at bilangin ng mano-mano. Mangyari kaya? Ngayong may mga naproklama na? Abangan na lang.