Kahit kamag-anak huwag papormahin
NANG maging Presidente si yumaong dating Presidente Cory Aquino, may mga nagsulputang alegasyon hinggil sa mga kamag-anak niyang nagsamantala sa kanyang liderato - “Kamag-anak Inc.” Sa pagka-panalo ng anak niyang si Sen. Benigno “Noynoy” Aquino III sa halalang presidensyal, pinangangambahang mamamayagpag na naman ang “Kamag-anak, Inc.”
Bawat kilos ni Noynoy mula ngayon ay sumasailalim sa pagkilatis ng mga tao. Kaya dapat niyang tupdin ang campaign promises na hindi kukunsintihin ang corruption sa gobyerno. Di nga ba’t naging famouse one-liner din ni Noynoy ang “hindi ako magnanakaw”? Totoong ang mga pangako ng pulitiko ay madalas mapako. Ngunit naririyan na si Noynoy kaya let’s give him the benefit of the doubt.
Nakumbinsi ni Noynoy ang mga bumoto sa kanya na siya ang bayani sa labanang “good vs evil.” Kaya sa pagpili ng mga itatalaga sa kanyang gabinete dapat walang political favor. Ang appointment ay dapat naaayon sa kuwalipikasyon, kakayahan at integridad. Hindi sa palakasan o pagiging kamag-anak.
Ngayon pa lang kasi, nakaririnig na tayo ng mga Aquino relatives na gusto umanong makasagpang ng magandang puwesto. Isang isyung inilutang iyan ng kampo ni Manny Villar laban kay Aquino nung panahon ng kampanya.
Kasama sa mga tinutuligsang kaanak ni Noynoy sina Peping Cojuanco, presidente ng Philippine Olympic Committee, ang kanyang asawang si Ting-Ting, hepe ng Philippine Public Safety College ng DILG, Paul Aquino na vice chairman at CEO ng Energy Development Corporation, Oreta na hepe ng Early Childhood Care and Development Council at Lupita Aquino Kashiwahara, na presidential image consultant.
Sa pagwawagi ni Noynoy, sumigla ang stock market. Tanggap siya ng business community. Ngunit nagpayo ang mga negos-yante kay Noynoy na maging maingat sa pagpili ng kanyang mga opisyal. Kasama sa nagpahayag ng panawagan ay sina Jesus Arranza, tagapangulo ng Federation of Philippine Industries; American Chamber of Commerce of the Philippines Executive Director Robert Sears; Makati Business Club Executive Director Alberto Lim; at Philippine Chamber of Commerce and Industry President Francis Chua.
- Latest
- Trending