'Si Angas at ang tatlong unggoy'

MAY MGA TAONG NAPIPIKON kapag nababatikos dahil pumalpak sila sa kanilang trabaho. Sa halip na pagbutihan ito, sa biktima pa ibinabaling ang kanilang kapalpakan.

Inilapit sa amin ni Salome Basera, 46 taong gulang ng Pa­ya­tas Quezon City ang sinapit ng kanyang ‘epileptic’ na anak.

Ang tinutukoy namin ay ang 18-anyos na si Rolando. Umaga ng Ika- 12 ng Abril nang makita ni Salome ang anak niyang bugbog sarado. Latang lata ito, puno ng dugo ang damit at nangingitim ang mukha sa dami ng pasa.

Idinetalye ni Rolando sa kanyang ina ang nangyari.

Bandang ala-1:00 ng madaling-araw, kasama ni Rolando ang kaibigan niyang si Levi na nag-iinuman sa labas ng kanilang bahay. Bigla na lang silang may narinig na sigaw ng mga babae, “Tulong! Holdaper! Tulungan n’yo kami!”

Pinuntahan naman agad nila Rolando at Levi ang mga ito. Napag-alaman nilang galing sa pinagtatrabahuhang ‘restaurant’ ang mga biktima. Ayon sa kanila, pagdaan ng Violago St. may lumapit na dalawang lalaki at tinutukan sila umano ng kutsilyo.

Nakuha ang pera, cell phone at iba pang mahahalagang dokumento. Mabilis na tumakas ang mga ito. Ang ginawa nila Rolando ay sinamahan ang mga biktima sa barangay hall ng Payatas A.

Dumating ang pinsan ng mga biktima na si Joan na nagkataon namang kakilala pala nitong si Rolando.

Umaksyon ang tatlong tanod at sumama naman sila Rolando sa pagresponde. Pagdating dun, sinabi umano ng isa sa mga tanod na, “Oh ngayon nandito na tayo. Wala na tayong inabutan dito. Anong gusto n’yong mangyari ngayon? Ano pang gagawin natin dito?

Sagot naman ni Rolando, “Kaya nga po namin kayo tinawag sir para humingi ng tulong tapos kami ang tatanungin n’yo kung anong gagawin namin?

Nagpanting ang tenga ni tanod at sinabing, “Bastos kang manalita ah!” sabay suntok umano kay Rolando.

Hinila si Rolando at pilit na pinapasok sa ‘mobile’. Suntok, sipa at tadyak umano ang inabot nito sa kamay ng mga tanod. Ang mga babae ay nag-iiyakan sa sobrang takot.

“Nagmamakaawa ang anak ko pero pilit pa rin siyang tinutulak papasok sa sasakyan. Nagkabangga-bangga na ang katawan niya sa bakal dahil pinagtutulung-tulungan nila,” kwento ni Salome.

Hinatak ni Levi ang kaibigan papalabas. Inisip ni Levi na baka kung saan dalhin ng mga tanod si Rolando. Nagpumiglas si Rolando para makawala. Patakbo na si Rolando ng paluin siya umano ng baril sa ulo ng isa sa mga tanod. Hinila siya ni Levi para makawala at nasubsob na siya kakatakbo. Nakasunod naman tumakbo ang mga babae at dun na sila nagkita-kita sa kanilang lugar.

Dun na nakita ni Salome ang kalagayan ng anak. Dinala niya ito sa Quezon City General Hospital. Pababa pa lang ng ‘taxi’ ng bigla atakihin si Rolando ng ‘epilepsy’. Nangingisay ito at diretso sa ‘emergency room’. 

Pina-‘medical examination’ niya si Rolando. Lumabas ang lahat ng tinamong sugat, pasa at gasgas ni Rolando sa ‘report’.

Nakiusap itong si Salome na palabasin ang anak niya dahil kailangang makuhanan ng testimonya sa presinto ng Batasan Road. Pinapirma sila ng ‘waiver’ ng doktor na kahit anong mangyari kay Rolando ay wala silang pananagutan.

Pagdating nila sa Presinto 6, sinabi sa kanila ng ‘police investigator’ na kailangang makuha ang buong pangalan ng mga barangay tanod na nanakit sa kanya.

Kinabukasan, nagpunta si Salome sa kanilang Barangay Captain na si Rose Dadulo. Nakiusap sila upang malaman ang mga pangalan ng tanod.

Sagot naman ni Kapitana Rose, iimbestigahan niya dahil hindi niya alam kung sino ang naka-‘aasign’ nung gabing mangyari yun.

“Hindi naman daw niya ito-tolerate ang kanyang mga tauhan kaya pinabalik niya ako. Pagpunta ko kinabukasan wala pa ring resulta sabi ni Kapitana pasensya na daw at busy siya,” sabi ni Salome.

Gusto ni Salome na mapurasahan ang mga tanod na nasangkot sa pananakit sa kanyang anak.

“Sana mabigyan ng hustisya ang ginawa nila sa anak ko. Siya na nga ang nagmagandang loob siya pa ang napasama.” sabi ni Salome.

Itinampok namin ang istorya ng mag-inang Basera sa aming programa sa radyo Hustisya Para Sa Lahat sa DWIZ 882 Khz (tuwing 3:00 ng hapon).

Sinabi ni Salome na malaki ang naging epekto ng pambubugbog sa kanyang anak. Matapos ang mga pangyayari, inuuntog na daw ni Rolando ang ulo nito at biglang natutulala na parang malalim ang iniisip.

Sinubukan naming tawagan si Kap Dadulo ngunit hindi namin siya ma-‘contact’. Pinayuhan namin si Salome na magpunta sa kanilang barangay at kausapin si kapitana para kunin ang mga pangalan.

Kinabukasan, nakausap niya si Kap Dadulo. Pinatawag nito ang mga tanod at iniharap kay Rolando para ma-‘identify’ ang mga nanakit sa kanya.

Itinuro ni Rolando ang mga tanod na sina Antonio Gonzalez, Rolando Banzon at ang di umano’y pumalo sa kanyang ulo ng baril na si Arthuro Flores.

Ayon kay Salome, depensa ng mga tanod sa kanya ay binigwasan lang nila si Rolando dahil bastos manalita at dapat disiplinahin. Nangako naman si Kapitana na siya na ang bahalang magbigay ng aksyon sa mga ito.

SA AMIN DITO SA CALVENTO FILES, IKAW NA ANG BAHALA KAPITANA? Sige pagsisipain mo ang mga iyan at tang­galin mo sa pwesto para naman mabalik ang tiwala sa’yo ng iyong mga ka-barangay. Hindi mo rin maaring hintuin ito si Rolando na magsampa ng kasong kriminal laban dyan sa mga abusadong tanod na matatapang lamang dahil nag-iisang 18 anyos ang kanilang nakatapat. Kayo Gonzales, Banzon at Flores mabibilib pa ko sa inyo kung sampung maton na holdapers ang inyong hinuli at ginulpi. Yun ngang dalawang nangholdap sa babae hindi niyo nahuli anong mapagmamalaki ninyo ngayon? Magaling lang kayong mang-‘bully’ ng mga taong walang kalaban-laban sa inyo.

(KINALAP NI AICEL BONCAY)

Sa mga gustong dumulog ang aming mga numero, 09213263166 o sa 09198972854 o tumawag 6387285. Maari din kayo magpunta sa aming tanggapan 5th floor CityState Center bldg., Shaw Blvd., Pasig City.

Bukas ang aming tanggapan tuwing SABADO 8:30am- 12:00pm. Ang aming 24/7 hotline ay 7104038.

* * *

Email Address: tocal13@yahoo.com

Show comments