MERONG mayamang asendero na apat ang asawa. Pinaka-mahal niya ang pang-apat kaya ibinibili ng magagarang damit at masasarap na kakanin. Inaalagaan niya ito nang husto at nireregaluhan ng mamahaling gamit.
Mahal na mahal din niya ang pangatlo. Ipinagmamalaki niya ito sa bayan. Kaya lang kabado siya na magtanan ito kasama ang ibang lalaki.
Mahal niya rin ang pangalawa. Maalalahanin at pasensiyosa ito, at hingahan niya ng problema, na tinutulungan siyang lutasin.
Tapat sa asendero ang unang asawa, at malaki ang naitulong nito sa pagpapalago ng kanyang yaman. Pero kupas na ang pag-ibig sa kanya ng asendero, kaya hindi na niya ito pinapansin.
Isang araw nagkasakit ang asendero. Ramdam niyang hindi na siya magtatagal sa mundo. Ginunita niya ang marangyang buhay na may apat pang asawa, pero mag-iisa na siya sa kabilang buhay. Malungkot!
Sinabihan niya ang ika-apat na asawa: “Pinaka-mahal at pinaka-ginastusan kita. Ngayong mamamatay na ako, sumama ka sa hukay para may kadamay ako.” Mariing sagot ng ika-apat na asawa, “Ano ‘ko baliw?”
Wasak-dibdib ang asendero. Niyaya ang ikatlong asawa: “Minahal kitang lubos. Samahan mo naman ako sa kabilang buhay.” Iniwan din siya ng ikatlong asawa: “Bakit ko gagawin ‘yon, e ang sarap-sarap ng buhay!”
Sa ikalawang asawa siya nakiusap: “Sa iyo ko inilalapit lahat ng suliranin, sana samahan mo ako sa kamatayan.” Malamig ang ikalawang asawa: “Ihahatid kita sa libingan, hanggang doon lang.”
May malakas na tinig: “Sasama ako sa iyo, saan ka man pupunta.” Lumingon ang asendero sa unang asawa. Napaka-payat nito, tila hindi nakakakain. Napaluha ang asendero: “Sana mas inalagaan pa kita nu’ng may panahon pa.”
Lahat tayo may apat na asawa sa buhay. Ika-apat ang katawan na, anumang pagpapaganda natin, iiwanan tayo sa kamatayan.
Ikatlo ang ari-arian na sa pagpanaw nati’y mapapasaiba.
Ikalawa, mga kaibigan:
Pinaka-malayo nila tayo maihahatid ay hanggang libingan lang. Una, kaluluwa -- madalas napapabayaan dahil sa materyalismo at pagpapakasarap.