DALAWANG linggo na lamang at magbubukas na ang klase sa publiko at pribadong eskuwelahan. Ngayon ay abala na ang mga eskuwelahan sa mga dumadagsang enrollees. Marami nang mga magulang ang dumadagsa sa Divisoria para ipamili ng mga gamit sa eskuwela ang kanilang mga anak. Kahit na marami ang kinakapos sa pangangaila-ngan sa buhay, naigagawa ng paraan na maipa-enrol ang anak at maibili ng mga gamit. Mahalaga sa mga magulang ang edukasyon ng mga anak.
Handa na ang mga magulang para sa pasukan. At ang nakikitang hindi handa ay ang mga pampublikong eskuwelahan sapagkat kulang na naman ang mga classroom. Balik na naman sa dating problema. Wala na bang magagawang paraan ang Department of Education (DepEd) sa problemang ito? Taun-taon, maraming estudyante ang hindi malaman kung saan idaraos ang kanilang klase. Noong nakaraang taon, may mga estudyanteng nagklase sa lobby ng school at meron namang sa dating comfort room. Nilinis lamang ang lobby at CR para hindi naman maging kaawa-awa ang mga estudyante. Ang mga guro na ang gumagawa ng paraan para makapagklase. Kung hindi sila kikilos, nakakaawa naman ang mga estudyanteng naghahangad ng edukasyon.
Kakulangan ng mga classroom ang lagi nang problema. Pinagkakasya sa isang room ang 50 estudyante. Meron pang 60 sa isang room. Parang sardines na siksikan. Paano pa matututo ang estudyante kung ganito sila karami? Ang ideyal na dami ng estudyante sa room ay 30. Ngayong school year, inaasahang dadagsa pa sa mga pampublikong eskuwelahan ang mga estudyante dahil na rin sa taas ng matrikula sa mga pribadong eskuwelahan.
Maraming problema ang DepEd. Hindi lamang ang kakapusan ng classrooms kundi pati na rin ang mga libro na maraming error. Problema rin ang kakulangan ng mga teacher sa public school.
Ang problemang ito ay dapat masolusyunan ng bagong administration. Magtalaga ng mahusay na DepEd secretary para mawakasan na ang mga problema. Bigyang pansin ang para sa edukasyon ng kabataan. Kung ang mga nakalipas na admininistrasyon ay nabalewala ito, hindi na sana ngayon.