ANG ibang mga bansa ay bumati na sa atin sa pagdaraos ng mapayapa at malinis na eleksyon. Kahit tayong mamamayan sa pangkalahatan ay natutuwa sa mabilis na resulta ng eleksyon. Kakaunti ang mga sumisigaw na dinaya kumpara noong araw na manu-mano pa ang sistema.
Sa kabila nito’y mayroon pa ring naibabalitang iregularidad sa katatapos na eleksyon lalu na sa local level. Mga tinatawag na isolated cases. Hindi pa rin perpekto ang automated elections kahit pa ito’y high tech. Tingin ko, gaano man ka-sophisticated ang sistema, hangga’t may mga tiwaling politiko na ibig mandaya, makagagawa ng paraan. “If there’s a will, there’s a way” sabi ng lumang kasabihan.Tao na ang dapat magbago sa problemang ito. High-tech na nga ang sistema ng halalan pero hindi pa rin masyadong natutugunan ang ilang anomalya gaya ng pamimili ng boto.
Sa Makati, saksi umano ang ilang residente ng lungsod sa pamumudmod ng salapi sa mga botante ng mga tauhan ng ilang tiwaling kandidato. Hindi lang sa Makati kundi may mga nabalitaan din tayo lalu na sa mga lalawigan na ganyang kaso. Ang pinakamataas na bayad daw sa bawat botante ay P2,500. Pero mag-focus muna tayo sa Makati dahil umaalma ang kampo ng natalong kandidato sa pagka-meyor na si Atty. Erwin Genuino na may mga presinto na nabokya siya. Ibig sabihin halos walang bumoto gayung marami umano ang sumuporta sa kanya.
Bukod diyan ay may mga ibang kandidato sa ibang lugar na di na natin babanggitin ang pangalan na may alegasyong nilapitan sila ng mga nagpakilalang taga-COMELEC at Smartmatic at inalok silang papapanalunin kapalit ng P30-milyon. Ubra daw manipulahin ang program ng sistema sa kanilang pabor. Ayaw nating siraan ang integridad ng eleksyon na pinuri na nga ng ibang mga bansa. Ano man ang merito ng ganitong mga sumbong ay dapat silipin at ayusin alang-alang sa pagkakaroon ng mas maayos na election sa susunod na mga panahon. Kailangang patas ang playing field at huwag nang mamamayagpag ang mga may salapi at mas maimpluwensya pagda-ting ng halalan.