SA idinaos na automated elections, nakaligtas ang mga guro sa tiyak na kapahamakan. Nahango ang kalahating katawan nila sa hukay. Nakawala sila sa kadena ng pagsasakripisyo. Mula pa noon, ang mga guro na ang nagsasakripisyo para maging matagumpay ang election. Ilang linggo pa bago mag-election ay abala na ang mga guro at naghahanda para magampanan ang tungkulin na iniatang sa kanila. Sila ang nagsasaayos ng mga classroom na nagsisilbing presinto. Sila ang matiyagang gumagabay sa botante para hindi magkamali sa pagboto. At ang matindi nilang papel sa election ay ang pagbibilang ng boto na inaabot ng ilang gabi at ilang araw. Kung minsan ay hindi na sila natutulog para lamang matapos ang pagbibilang.
Ang pinakamatindi nilang papel ay ang pagbabantay sa mga balota. Kasama ito sa tungkulin. Noong 1998 election, isang guro sa Batangas ang nagbuwis ng buhay para lamang maproteksiyunan ang mga balota. Tinangkang agawin ng mga armadong lalaki ang ballot boxes pero matapang ang guro sa pagsasanggalang. Binaril siya nang ayaw ibigay ang ballot boxes. Ang guro ay si Mrs. Tatlong Hari. Nagsilbi siyang sagisag ng mga gurong nag-aalay ng sarili para maging matagumpay ang election.
Noong 2007 elections, ilang katao ang namatay, karamihan ay mga guro, nang sunugin ng mga armadong kalalakihan ang isang paaralan sa Batangas. Binibilang ng mga guro ang boto nang sunugin ang paaralan. Hindi na nakalabas ang mga guro. Nasunog sila nang buhay habang tumutupad sa tungkulin.
Sa nakaraang election, hindi na ang mga guro ang nagbilang ng boto. Hindi na sila napuyat at hindi na rin nag-alala na baka may mga sandata-hang lalaki na lusubin sila habang binabantayan ang balota. Wala na silang pinangangambahan. Salamat sa automation. Nararapat din namang tuparin ang pinangakong kabayaran sa kanilang serbisyo.