SA simula pa lamang ay talagang inulan na nang paninira at kontrobersiya si Presidential frontrunner Noynoy Aquino kahit napakalaki na ng kanyang kalamangan sa mga karibal. Masakit sa ulo ni Noynoy nang matabunan ang partner niyang si Mar Roxas ng kalabang si Jojo Binay. Over-confident sila na hindi matatalo si Mar. Hanggang sa huling sandali, ipinaglalaban na ang tandem nina Noynoy at Mar ang magwawagi.
Problema rin ni Noynoy ay ang pagpipilit ni GMA na siya ang mag-appoint ng bagong Chief Justice (CJ). Maraming hindi sang-ayon sa hakbang ni GMA. Ipaubaya na lamang daw sa bagong presidente ang pagpapatalaga sa bagong CJ. Si GMA pa rin ang nasunod at itinalaga si Associate Justice Renato Corona kahapon.
Hindi pa man pormal na nakakaupo si Noynoy ay inaatake na agad siya kung sinu-sino ang mga pipiliin niya para sa kanyang Gabinete. Pati ang acting First Lady at ang mga magiging pribadong katulong niya sa opisina ay inuukilkil na rin.
Puna ko sa Comelec, sana naman ay bilisan pa nila ang pagkilos nang sa ganoon ay maiproklama na agad ang mga nanalo. Sa pakiwari ko, mabagal ang operasyon sa Comelec na nasisingitan tuloy ng mga nasa oposisyon upang manira. Pero sa kabuuan, natutuwa naman ako dahil ngayon lamang nagkaroon ng election na ubod ng bilis ng resulta. Maraming pumupuri sa nangyaring election.
Natatawa naman ako na marami ang sumisigaw na dinaya sila. May naghahain na ng reklamo dahil pinalitan daw ang flash cards ng PCOS machine. Talaga rin naman ang election sa Pilipinas, kapag natalo ang kandidato isinisigaw na siya ay nadaya. Akala ko wala nang ganito dahil automated na. Meron pa pala.