Trabaho, ipupursige ni Jinggoy

ANG aking panganay na anak na si Senator Jinggoy Ejercito Estrada, na inihalal ng milyun-milyong mama­mayan noong May 10 election, ay nagdeklara ng pagbu­buhos ng buong-pusong pagseserbisyo sa taumbayan, partikular sa usapin ng trabaho para sa mamamayan.

Ayon kay Jinggoy, prayoridad na lehislasyon niya pa rin ang pagpapaangat ng kalagayan ng mga mang­gagawa na matagal nang namumroblema sa maliit na suweldo at kakarampot na benepisyo, laluna’t hindi na naman nila natamo ang kanilang iginigiit na dagdag-sahod noong Mayo 1.

Noon pa man ay isinusulong na ni Jinggoy ang iba’t ibang hakbangin para sa mga manggagawa at kanilang pamilya. Ipinupursige niya ang pagtitiyak ng pagkilala at paggalang ng mga employer at pamahalaan sa karapatan ng mga manggagawa sa makatwirang sahod, benepisyo, proteksyon, welfare at hustisya.

Kasabay naman nito, patuloy ding iginigiit ni Jinggoy ang pagsasaayos ng edukasyon at skills training para sa mga estudyante. Taun-taon, napakaraming kabataan ang guma-graduate pero nahihirapang makakuha ng trabaho.

Sa maraming taon nang nakalipas ay paulit-ulit na nagiging problema ang tinatawag na job-skill mismatch, na ang ibig sabihin ay karaniwang hindi akma sa mga available na trabaho sa ating bansa at sa ibayong-dagat ang mga kaalaman at kasanayan ng mga graduate kaya nahihirapan silang makakuha ng trabaho.

Ngayong nalalapit na naman ang pagbubukas ng klase, igigiit ni Jinggoy ang sapat na atensyon, pagsu­suri at kaukulang pondo at aksyon sa usaping ito. Magkasabayan ang approach niya sa usapin ng unemployment at underemployment: Ito ay ang pagpapaunlad sa kala­gayan ng mga kasaluku­yang nasa labor force, at ang sapat na paghahanda at paghuhubog sa mga ka­bataang magiging bahagi ng lakas-paggawa.

Ayon kay Jinggoy, ma­ka­aasa ang mga mangga­gawa, kabataan at taum­bayan na ipupursige ang mga lehislasyon sa usa­ping ito at sa iba pang mga batayang pangangaila­ngan ng mamamayan.

Show comments