Midnight contract sa Clark airport
NU’NG Marso ko lang binisto ang isyu. Inaapura ni Clark International Airport Corp. chairman Nestor Mangio na ibalato umano ang 25-taong operation ng Diosdado Macapagal International Airport sa Al-Kharafy Group ng Kuwait. Ipinatigil ni President Arroyo ang midnight deal sa CIAC board of directors.
Akala mo ba natapos na ang isyu du’n? Hindi. Ilang araw lang mula nang ipahinto ng board lahat ng paki kipag-negosasyon sa Kuwaiti company, dalawang directors naman ang lumipad sa Malaysia para pag-usapan ang unsolicited proposal ng Bristeel Corp. para i-develop ang DMIA Terminal-2. Minamanok nila itong ibang dayuhan laban sa Kuwaiti.
Meron isa pang unsolicited proposal na nakabinbin sa Joint Venture Selection Committee. Ibang CIAC directors naman ang nagmamanok sa Korean conglomerate para iendorso ng JVSC.
Pareho ang pakay ng Malaysians at Koreans. Kapwa nila ginagamit ang kunwari’y pag-expand ng Terminal-2, pero para lang mapasakamay ang 200-ektaryang lupa sa gilid. Prime land ito, pero pinalalabas sa unsolicited proposals na raw land upang makuha ng libre o kaya’y sobrang mura. Taos, kung ano-anong malaking pagkikitaan ang itatayo nila sa nakurakot na lupa.
Pareho rin ang taktika ng Malaysians at Koreans. Ipina-aapura nila sa kani-kanilang backers na CIAC directors na ma-evaluate at ma-endorso ang unsolicited proposal. Kapwa nais madeklarang “original proponent” bago pa man bumaba sa puwesto ang CIAC directors na co-terminus ni President Arroyo. Sa gayong paraan, mapipilitan ang mga papalit na board appointees ng bagong Presidente na kilalanin ang “original proponent” status. Wala na silang magagawa kundi humanap na lang ng Swiss Challengers at i-award ang kontrata. Hindi na nila marerepaso ang terms and conditions, at kung makakabuti sa bansa ang proyekto. Kumbaga, ipipilit sa kanila ang lutong makaw.
- Latest
- Trending