Isang taon na ang nakakaraan mula ng inilapit sa amin ni kaibigang Julius Babao ng Channel 2 si Vilma Velez, isang ‘wardrobe custodian’ sa kapamilya network.
Ang kasong hiningi ng tulong sa amin ni Vilma ay ang pagkakuryente ng kanyang anak na si Elesio “Jung” Velez Jr., 21 taong gulang.
Itinuturong ang mag-asawang sina Jesus at Elena Toca ang may kasalanan dahil sa kanilang ‘criminal negligence’ sa ilegal na paglalagay ng kuryente sa bakod ng kanilang bahay na naging dahilan ng pagkamatay ni Jung.
Balikan natin ang nangyari kay Jung. Noong Hunyo 24, 2008, bandang ala una ng madaling araw, itong si Jung ay nakuryente habang papunta sa tindahan upang bumili ng alak kasama ang pinsang si Roger Canaling alyas Tuting.
Batay sa salaysay ni Mylene Atencio, isang testigo sinabi nitong, “May narinig akong isang malakas na kalabog. Ang ginawa ko sumilip ako, nakita ko itong si Jung nadikit sa bubong na yero at nangingisay,”.
Mabilis na sinara ni Mylene ang pinto. Hindi siya nakaalis sa kanyang kinatatayuan dahil nanigas siya sa kanyang nasaksihan. Nadinig niyang umuungol itong si Jung.
“Tumakbo ko palabas sa kalye madilim ng mga oras na iyon, hinanap ko ang aking anak nakita ko si Jesus na nakatingkayad sa lupa may hawak na flashlight,” kwento ni Vilma.
Nakiusap si Vilma kung pwede niyang mahiram ang ‘flashlight’ upang madaling mahanap si Jung subalit hindi siya pinagbigyan ni Jesus.
Sa hindi kalayuan nakita niyang nakahandusay ang kanyang anak, walang malay. Nakaluhod ito habang ang kanyang mga kamay ay nasa kanyang likod.
Humingi si Vilma ng tulong sa barangay. Sinugod si Jung sa East Avenue Medical Center.
Idineklarang dead-on-arrival si Jung ng doktor. Lumabas sa Post Mortem na Findings, death by electrocution
Nagsampa ng kaso si Vilma ng ‘negligence resulting to homicide’ sa mag-asawang Jesus at Elena sa Prosecutor’s Office ng Quezon City base sa mga salaysay ng testigo si Mylene at ng kanyang manugang na si Lilibeth Velez na nagsabing mayroon siyang ‘personal knowledge’ na may kuryente na nga sa bakod ng mag-asawang Toca at personal niya din nakita ang mga koneksyon ng mga ito.
Depensa naman ng pamilya Toca, ayon sa kanilang kontra-salaysay sinabi nilang;
“It is a common knowledge in our barangay that the victim is a thief and for the record of barangay blotters for the crimes of snatching and drugs were recorded against the victim.
It is possible though to happen the victim while attempting as alleged by neighbors to get inside our house purposely to steal was stricken by lightning, as a consequence, he was electrocuted,” paliwanag ni Jesus.
Ayun tinamaan ng kidlat ang biktima!
Ika-27 ng Oktubre 2009 lumabas ang resolusyon ng kaso. Nakasaad sa resolusyon ni Prosec. De Los Reyes na binigyan niya ng mabigat na pansin ang testimonya ni Myleen kung saan detalyado niyang nilahad na narinig niya at nakita niya si Jung na parang kinukuryente. Ganun din ang testimonya ni Lilibeth na sinabing alam niya ang kuryenteng nakakabit sa mag-asawang Toca.
Dinagdag pa ni prosecutor ang tatlong testigong sina Marivic Cantemprate, Wendre Refugio at John Mark Bantillo, ang kanilang karanasan ng sila’y madikit at makuryente sa bakuran ng mag-asawang Toca maging ang pagtanggal ni Jesus ang kable ng kuyente sa kanilang bakod matapos makuryente itong si Jung, ayon sa isang testigo.
Dininig ang kaso sa Branch 31 ng Regional Trial Court (RTC) Quezon City. Nobyembre 2009, nailabas ang ‘order’ ng kaso.
DISMISSED’ ang kaso dahil parehong nasampahan ang mag-asawang Toca sa iisang reklamong Negligence Resulting in Homicide.
Pinayuhan namin si Vilma na mag-‘motion for reconsideration’ (M.R). Pebrero nitong taon muling nakatanggap ng order si Vilma mula kay Presiding Judge Roberto S. Quiroz kung saan hindi sila pinayagang mag-M.R for lack of merit at sa ngayon walang ibang hakbang kundi ang i-refile ang kaso sa Prosecutor’s office.
SA AMIN DITO SA CALVENTO FILES, Naiintindihan namin kung bakit na-dismiss ang dalawang kaso laban sa mag-asawang Toca.
Tama naman si Judge Quiroz, hindi maaring dalawang beses pinatay yung biktima. Bakit dalawang kaso ang isinampa. Maliwanag na kapabayaan ito ng prosecutors ng Quezon City.
Dalawang IS numbers meron na parehong isinampa sa korte para sa parehong kaso. Sabi din nung Judge na walang conspiracy sa kasong “Reckless Imprudence Resulting to Homicide.”
Sinubukan namin magtanong sa prosecutor ng Quezon City na si Ellenita Alviar at nagulat kami sa inasal nitong prosecutor na ito.
Umpisa pa lamang bastos na ito at galit. Wala daw kaming pakialam mga media sa mga kaso at dapat ang mga parties involved lamang ang mga nagtatanong.
Sinabi ko ng mahinahon na wag siyang magalit at mang-away dahil takbuhan kami ng mga taong biktima ng krimen at karahasan. Mga taong biktima din ng mga maling diskarte ng prosecutors.
Ang ginawa nitong masungit na prosecutor na ito ay pinatayan kami ng telepono at patuloy na pinapatay ito kapag tumatawag kami.
Prosec. Alviar pareho lang tayong mga “public servant” buti ka pa nga binabayaran ka sa trabaho mo kami dito libre lang.
Mahigit dalawampung taon na ako nasa “public service” at ngayon lang ako nakarinig na wala kaming karapatan na magtanong. Bakit ba ang sungit mo gayung kayo d’yan at ang kapabayaan mo (katangahan ba?) kung bakit nadismiss itong kasong ito.
Tinawagan ko si Prosecutor General Claro Arellano at ang president ng mga Prosecutors na si Chief Edward Togonon upang ireklamo ang babaeng ito.
“Public officials” katulad mo ay hindi dapat balat-sibuyas. Hindi rin dapat makapal ang balat ninyo kapag may lumalapit sa inyo.
Ikaw ang nag-file ng “Motion for Reconsideration” at ang dapat talaga ay iniurong ang isang information at ang iniwan ay ang kaso laban sa lalake na kung tutuusin mo “logically” siya ang may gawa ng pagkalagay ng kuryente sa bakod nila.
Kung kulang pa ang patung-patong na maling diskarte nitong si Alviar ang sabi umano nito kay Velez ay maghanap ng testigo na makakapagsabi na nakita niyang isinaksak ang plug sa kuryente. Utang na loob naman Prosec Alviar saan ka naman makakahanap ng ganun testigo?
Ang tanging naisagot ko sa kabastusan nitong prosecutor na ito sa cell phone ay “Why are you so rude? Babae ka pa naman!”
Bakit nga ba Prosec Alviar at napakabastos mo? Huwag ganyan ma’m, sige ka baka tamaan ka din ng kidlat. Huwag naman sana!
NGAYON kailangan mag-umpisang muli ang pamilya Velez at i-refile ang kasong taon na ang binilang. Nangako naman si Pros. General Arellano na tutukan nila ang kaso at ito naman si El Presidente City Prosec Togonon ay magtro-trouble shoot daw siya sa sitwasyong ito.
Para sa mga gustong dumulog sa aming tanggapan ang aming mga numero, 09213263166 o sa 09198972854 at ang landline ay 6387285. Maari din kayo magpunta sa 5th floor CityState Center bldg., Shaw Blvd., Pasig City.
* * *
Email Address: tocal13@yahoo.com