Canadian travel

Ang huling travel ko’y nagpuntang Canada

pamilya ni Boyet ang aking kasama;

Yao’y kanyang misis, dalwang anak niya

kaya lima kaming nagbyaheng masaya!

Nag-ayos ng travel anak kong panganay –

doon nakatira at naghahanapbuhay;

Halos taun-taon kami’y naglalakbay

hali-halili lang at kung walang aral!

Ng aming masapit malayong Vancouver

Ay limang oras pa na muling nag-travel;

Sa Toronto City kami ay nag-hotel

saka ipinasyal sa mga tanawin!

Doon sa Toronto ay aming nakita –

dalwang World Wonders na napakaganda;

Una’y CN Tower na kay taas pala –

at doo’y namasdan ang buong Canada!

Sumunod na doo’y aming pinasyalan –

ay ang Niagara Falls na kay gandang tunay;

Nang ang likod nito’y aming pinuntahan –

kay lakas ng patak – tubig-kalikasan!

Tatlong araw kaming doo’y namalagi

sa bus at sky train nagbibiyahe lagi;

Malalayong lakbay papunta’t pauwi -–

sa bintana’y tanaw bundok at gusali!

At nang sa Vancouver kami ay nagbalik

kami ay namasyal kahi’t na malamig;

Mga pamilihan ay aming sinaglit

hindi na namili sa taas ng prices!

Dalwang linggo kami na doo’y masaya –

sa condo ng anak na kay tayog pala;

Nasa 24th floor condo unit niya

di ko nanaising doon na tumira!

Kaya nang pauwi’y masigla na ako

sa mga nakitang s’yudad na moderno;

Doon ay malamig ang klima’y perwisyo –

dito sa Philippines ang klima’y mahal ko!

Show comments