Malaking pagbabago ng 2010 elections
SA kauna-unang pagkakataon ay nakaboto ang mga Pinoy sa Amerika sa pamamagitan ng overseas voting. Ngayon lamang nagkaroon ng karanasan ang mga Pil-Ams na pumili ng mga mamumuno ng ating bansa. Marami sa naiboto ay ang mga kandidato na nangampanya dito sa Amerika.
Marami sa mga botanteng Pil-Ams ang nagulat sa bilis ng bilangan ng mga boto dahil sa automated voting system na ngayong eleksyon lamang sinimulan. Isang oras matapos ang pagsasarado ng mga presinto, nalaman na kaagad kung sino ang mga nanalo at kung ano ang mga katayuan ng ilang mga kandidato. Dati-rati nga naman, aabutin ng ilang araw o linggo bago malaman ang kinalabasan ng mga boto.
Natuwa ang karamihan sa mga Pil-Ams sa pagtatagumpay ni Sen. Noynoy Aquino na talaga namang lubus-lubos nilang pinagtrabahuhang ikinampanya. Hindi lamang dito sa Amerika sila nangampanya kundi pati na sa kani-kanilang kamag-anak at mga kasamahan sa Pilipinas. Subalit, nalungkot sila sa nangyari kay Sen. Mar Roxas, hindi nila akalain na malalamangan ni Mayor Jojo Binay sa pagka-bise presidente. Lahat sila ay umaasa na ang karamihan sa mga boto na hindi pa nabibilang ay inaasam-asam nilang para na daw sana kay Roxas nang sa ganuon ay malampasan nito ang mga boto ni Binay.
Usap-usapan ng mga Pil-Ams ang ipinakita ng eleksyong ito. Kitang-kita ang pagkamuhi ng mga Pilipino kay Pangulong Gloria Macapagal Arroyo at sa mga tauhan ng kanyang administrasyon. Bagsak ang kanilang kandidato sa pagka-pangulo na si Gilbert Teodoro. Karamihan sa mga tauhan ni GMA na dating malalakas na pulitiko ay hindi nanalo. Siyempre, hindi pa rin maialis na magkaroon pa rin ng mga problema ang pagpapatupad sa bagong sistema subalit naging tagumpay ang pagsisimula ng automation system ng election sa Pilipinas kahit na mayroon pa ring dapat ayusin.
Malaki ang pagkakaiba ng eleksyon ngayon kaysa sa mga nakaraan. Ang gulo at ang mga pagkakamali ay madaling naaayos ngayon. Kakaunti ang bilihan ng boto at hindi malawakan ang dayaan. Sabi ng mga opisyal ng Comelec at mga eksperto sa halalan, lalo pang magiging mabilis at mababawasan ang kamalian sa bandang huli sapagkat pinag-iibayo na mapaganda ng Comelec ang eleksyon sa mga susunod na panahon.
- Latest
- Trending