Noynoy mas gustong manumpa sa barangay captain
NAGBABAGANG isyu ang pagkakahirang ni Presidente Arroyo kay Renato Corona bilang Punong Mahistrado ng Korte Suprema kapalit ng magreretirong si Reynato Puno sa May 17.
Kaya itong si presidential frontrunner Benigno “Noynoy” Aquino III ay mahigpit na tumututol dahil ang paghirang ng bagong Chief Justice ay katungkulan daw ng uupong bagong Pangulo.
Nagdesisyon si Noynoy na sa kanyang inagurasyon, hindi siya manunumpa sa harap ni Corona kundi sa harap lamang ng isang Barangay Captain sa Tarlac. Aba, magi-ging first in history iyan!
Wala namang labag sa Konstitusyon kung gagawin niya iyan. By tradition, lahat ng Presidenteng ininagurahan ay nanumpa sa Chief Justice ng Supreme Court. Pero tradisyon lang iyan at hindi itinatadhana ng batas. Kaya para sa Malacañang, puwedeng mamili si Noynoy ng isang inducting officer at ang Barangay captain ay autorisado sa ilalim ng batas na magpanumpa.
Ayon kay Presidential Spokesman Ricardo Saludo, hindi naman requirement sa batas na manumpa sa punong mahistrado ng Korte Suprema. Yun nga lang, sinabi ni Saludo na baka punahin siya ng taumbayan kapag nilabag niya ang tradisyon. Tingin ko’y hindi naman siguro. Baka nga maipakita lalo ni Noynoy ang kanyang paninindigan.
Pero tila tama si Presidential spokesperson Charito Planas na ang pang-iisnab ni Noynoy sa Punong Mahistradong itinalaga ng Pangulo ay magbunga ng Constitutional crisis.
Mahirap kasi sa isang administrasyon kapag may mga isyu o kasong hindi nareresolba dahil nagiging hadlang sa pag-unlad ng bayan.
- Latest
- Trending