HINDI maayos ang sistema sa ginanap na election kahapon kaya nagkaroon nang maraming problema. Unang-una nang naging problema ay ang mahabang pila para sa beripikasyon pa lamang ng pangalan at sa pagkuha pa ng number ng presinto na pagbobotohan. Kapag naberipika na ang pangalan ay saka pa lamang maaaring pumila para makaboto pero umapaw nang umapaw ang mga tao sa pila. Ang dahilan nang pag-apaw ay sapagkat mabagal na mabagal ang pag-usad ng pila. Ang sabi ng Comelec, walong minuto lamang ang dapat itagal nang pagboto pero hindi iyon nasunod. Nakababad na ang maraming tao sa kanilang ginagawang pag-shade sa kanilang balota.
Kauna-unahang automated election sa bansa kaya maraming excited bumoto. Wala pang alas-sais ng umaga ay marami nang nagtutungo sa mga eskuwelahang bobotohan, subalit malaking pagkadismaya ang kanilang naranasan sapagkat umapaw sa haba ng pila ang mga tao. Maraming nakapila ang hindi na nakayanan ang init at gutom at ipinasyang umuwi na lamang. Yung iba ay babalik na lamang daw kapag kakaunti na ang pila. Yung iba ay nagsabing hindi na kakayanin ang pagpila sapagkat gutom na gutom na sila. Ang kabagalan ng pag-usad ng pila ang naging dahilan para i-extend ni Comelec chairman Jose Melo ang botohan hanggang alas siyete ng gabi.
Hindi rin naman nagkaroon ng katotohanan ang sinabi ng Smartmatic-TIM na handang-handa na sila sa election. Maraming PCOS machines ang ayaw kainin ang sinubong papel. Mayroong machines na nag-overheat. May balota na malaki ang sukat kaya ayaw mag-feed sa machines.
Humigit-kumulang, nasa 50 milyon ang botanteng Pinoy. Okey sana kung nakaboto lahat. Pero tiyak na dahil sa nangyari kahapon, maraming hindi nakaboto. Maraming nasayang. Kahit na nga nag-extend pa ang Comelec wala na ring nagnais bumalik. Kung sana ay nagkaroon ng sistema ang Comelec at napayuhan habang maaga ang mga Board of Election Inspectors (BEI) sa tamang mga gagawin, hindi sana nainip ang mga tao at hindi sana nasayang ang kanilang boto.