Bilangguan ba o kampo?

PARANG sine. Daan-daang sandata ang natagpuan na nakalibing sa ilalim ng semento ng isang bilanggo sa Manila City Jail. Bukod sa mga ice pick, may mga cell phone, pera, bala at baril pa! Ano pala pinaplano ng mga ito? Pandepensa nila sa mga kalaban sa bilangguan, o para makatakas sa tamang tiyempo at oras? Bilangguan pa ba ito o isang kampo na? Hindi mapaliwanag ng mga opisyal ng BJMP kung paano nakapasok ang mga sandata’t kagamitan sa loob ng bilangguan. Ang isang paliwanag ay baka hinahagis sa ibabaw ng bakod ng mga iskwater na nakatira sa labas ng bilangguan. O kaya’y nalulusutan ng mga dumadalaw.

May isang madaling paliwanag diyan. Korapsyon sa BJMP. Baka naman binabayaran ang mga guwardiya diyan para payagan o palusutin na lang ang mga nakitang kagamitan. Hindi mahirap isipin na may mga ganyang pangyayari dahil may mga nakakulong na iba ang natatanggap na trato mula sa mga guwardiya at opisyal. Mga kulungan na puno ng gamit sa bahay. Isa na rito ay si Romeo Jalosjos noong nakakulong pa. May hinala na sina Ampatuan ay ganun din ang natanggap na trato mula sa mga guwardiya sa Mindanao noong doon pa nakakulong. Kaya nga nilipat na sa Manila para mabantayan na rin ng lahat, kasama ang media.

Sasabihin ko na sana na hayaan na lang ang mga sandata kung sila-silang mga bilanggo lang naman ang magpapatayan. Pero ang hindi pwedeng pabayaan ay kung may mga tumatanggap nga na opisyal ng BJMP na pinapayagang pumasok ang mga nakitang kagamitan. Paano pala kung biglang isipin na mag-hostage ng mga bisita ang ilang mga bilanggo para makatakas? Sigurado mapapahamak lang ang mga bisita.

Isa na namang halimbawa ito ng korapsyon na bumubulok sa isang ahensiya. Ito ang mga dahilan kung bakit kailangan ng pagbabago sa lahat ng sistemang umaandar, o pinaaandar ngayon. Kaya tandaan, bukas kapag bumoto na, iboto ang mga kandidatong magpapatupad ng mga tunay na pagbabago. Kung pababayaan lang ang mga korapsyon, kahit gaano kaliit, mauubos din ang lahat. 

Show comments