EDITORYAL - Mapayapa at malinis na eleksiyon, hangad nang nakararami

MARAMING naghahangad nang malinis at mapayapang election. Ayaw nang maulit pa ang “Hello Garci” noong 2004 at ang isyu kay Lintang Bedol noong 2007. Nagsasawa na ang mamamayan sa maruming eleksiyon. Uhaw na uhaw na ang nakararami sa bagong presidente na tunay na inihalal ng masa. Naniniwala sila na kapag bago na ang presidente, magbabago na ang takbo ng buhay. Mawawala na ang problema ng corruption. Ang pagkakaroon ng bagong presidente ang kasagutan sa lahat nang problemang dinaranas ng bansang ito.

Sa pagkakamit nang mapayapang eleksiyon sa Lunes, malaki ang papel ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP). Sila ang tagapangalaga ng kaligtasan ng mamamayan. Sila ang magbabantay para masigurong walang mangyayaring masama sa araw ng election. Tungkulin nilang bantayan ang voting centers at pangalagaan ang mga balota.

Noong Lunes ay nagkaisa ang pamunuan ng AFP at PNP para maipatupad ang mapayapa at malinis na eleksiyon. Nagtipun-tipon sa Camp Aguinaldo ang mga sundalo at pulis at pinatunayan na sila ay nagkakaisa para maipatupad ang malinis at mapayapang election. Tinaguriang “Day of Prayer for HOPE (Honest, Orderly and Peaceful Elections), nagkapit-bisig ang mga sundalo at pulis at sama-samang nagdasal sa pamumuno ni Fr. Gerry Orbos, SVD. Dumalo sa pagtitipong iyon si AFP chief of Staff Delfin Bangit at PNP chief Director Gen. Jesus Versoza. Sinindihan nina Bangit at Versoza ang malaking kandila na simbolo ng kanilang pagkakaisa at pagtalima sa pagpapatupad ng malinis na eleksiyon. Dumalo rin sa pagtitipon ang pinuno ng iba’t ibang relehiyon na nagpakita rin nang marubdob na pagnanasang magkaroon nang payapa at malinis na election.

Marami ang dumadalangin sa pagkakaroon ng mapayapa at malinis na eleksiyon. Lahat ay gustong magkaroon ng pagbabago at makamtan ang magandang kinabukasan. Makakamit ito sa matalinong pagboto.

Show comments