NAKASAAD sa Saligang Batas na dapat ganapin ang election tuwing ikalawang Lunes ng Mayo. Sa Mayo 10, ay ikalawang Lunes na. Ito ang araw na pinakahihintay ng lahat para maghalal ng bagong presidente. At hindi dapat ma-postpone ang pagdaraos nito. Kahit na ano pa ang mangyari, dapat ituloy ang election. Kahit pa may problema sa voting machines, maaari namang magmanu-mano.
Ang postponement ng election ay unang narinig sa abogado ni President Arroyo. Nakapagtataka kung bakit ito agad ang namutawi sa bibig niya. Sa halip na magbigay ng suhestiyon kung paano malalampasan ang problema, ang postponement ang kanyang unang naisip. Sabi ni election lawyer Romulo Macalintal, ang pagpapaliban ng election ang tanging paraan para maiwasan ang failure of election.
Ang pagpapaliban ng election ay nag-ugat nang maraming voting machines o PCOS ang nag-malfunctioned noong Martes habang nagsasagawa ng pagtesting sa maraming lugar sa bansa. Ayaw basahin ng PCOS ang mga isinusubong balota. Yung ibang machines ay nakababasa naman subalit ang resulta ay napupunta sa kalaban. Halimbawa ang boto para kay Villar ay napupunta kay Gibo. Mayroong machine na halos walang nakuhang boto ang mga kandidato. Sa Makati, halimbawa, isang kandidato lang sa pagka-mayor ang nagkaroon ng boto.
Ang kapalpakan ng PCOS machines ay noon pang nakaraang buwan nagpakita. Sa election para sa mga OFW, marami nang machines ang ayaw mag-function. Nahamugan daw kasi. Pero ang sabi ng Smartmatic-TIM, ang kompanyang nag-supply ng PCOS machines, wala raw problema dahil flashcard lang ang ayaw gumana at madali lang itong palitan.
Ganunman, kahit na paulit-ulit na sinabi ng Smartmatic na walang problema, nakapangangambang baka magkaroon uli ng problema sa mismong araw ng election. Kung minsan, mahirap magtiwala sa sinasabi ng mga taga-Smartmatic.
Ang Comelec ang dapat kumilos dito. Maghanda sa manu-manong bilangan sakali at pumalpak ang PCOS machines. Maglatag na ng plano. Mas mabuti nang handa para hindi mataranta sa araw ng election.