EDITORYAL - Private army ng pulitiko, banta sa mamamahayag
SILA ang tinatawag na mga “maninila” o “mananagpang “ ng mga mamamahayag. Sila ang mga armadong grupo na naglilingkod sa mayor, gobernador at maski sa congressman. Handang pumatay sa isang kumpas ng gutom at gahamang pulitiko. Wala silang pakialam kung ang ipapapatay sa kanila ay journalist, broadcaster at writer. Wala silang paki sa buhay ng kapwa. At maraming ganito sa Mindanao. Nasa lugar na ito ang maraming “mananagpang” ng mamamahayag.
Noong Lunes ay “World Press Freedom Day”. Tahasang sinabi ng media watchdog Reporters Without Borders (RWB) na nakabase sa Paris na ang mga armadong grupo na naglilingkod sa mga pulitiko sa Mindanao ay kabilang sa 40 pinakadelikado at banta sa buhay ng mga mamamahayag. Kalabisan nang sabihin na ang mga naglilingkod na armado sa mga pulitiko ay tinik sa mga mamamahayag.
Hindi masisisi ang RWB na magpahayag ng ganito sapagkat hindi pa natatagalan nang 57 katao ang minasaker sa Maguindanao at ang tinuturong suspek ay ang mga armadong grupo na naglilingkod sa gobernador. At lalo pa ngang matapang sa pagpapahayag ang RWB sapagkat sa 57 minasaker, 37 roon ay mga miyembro ng media. Kawawa ang sinapit ng 37 mediamen sapagkat sinamahan nila ang convoy ng mga magtutungo sa kapitolyo para mag-file ng candidacy. Subalit nang makarating sila sa liblib na lugar, hinarang na sila ng mga armadong grupo at saka walang awang pinagbabaril. Karamihan sa mga napatay ay mga babae. Pagkatapos patayin, inihulog sa inihandang hukay ang mga biktima. Hanggang ngayon ay hindi pa nakatatanggap ng hustisya ang mga biktima. Ang mga kamag-anak ng mga napatay na mamamahayag ay nananawagan sa gobyerno na madaliin ang pag-usad ng kaso. Nananawagan din na huwag magpakita ng simpatya ang gobyerno sa mga suspect. Ilang linggo na ang nakararaan nang iabsuwelto ang ARMM governor na si Zaldy Ampatuan sa kasong murder. Una nang naabsuwelto ang governor ng Maguindanao na si Andal Ampatuan Sr.
Patuloy ang pamamayagpag ng mga armadong grupo sa maraming bahagi ng Mindanao at patuloy din naman ang pagpapatayan doon. At kabilang sa apektado ng kaguluhan ay ang mga mamamahayag. Banta sa buhay ng mga mamamahayag ang mga armado. Dapat buwagin ng PNP ang mga “tinik” na nasa landas ng mga mamamahayag.
- Latest
- Trending