ISA sa mga walang silbing tanggapan ay ang Presidential Commission on Good Government (PCGG). Dalawampu’t apat na taon na ang nakararaan mula nang itatag ang PCGG subalit hanggang ngayon ay wala pa ring naa-accomplished. Hindi pa rin nagagampanan ng tanggapang ito ang tungkulin kung bakit itinatag noong 1986 ni dating President Corazon Aquino. Inutil ang tanggapan sa pagkumpiska sa nakaw na yaman ng mga Marcoses. Tungkulin nilang habulin ang “ill-gotten wealth” ng namayapang diktador pero, walang nangyayari. Malalaki ang suweldo ng mga itinalagang PCGG commissioners, pero walang pakinabang. Pinasusuweldo ng taumbayan ang mga nasa PCGG pero walang ginagawa at pawang pagtungo pa sa abroad ang ginagawa na nag-aaksaya pa sa pondo ng bayan.
Ngayon ay may panibago na namang isyu sa pagitan ng PCGG at ng Marcoses na may kaugnayan sa ill-gotten wealth. Inamin ni PCGG commissioner Ricardo Abcede na nakipag-usap siya kay Greggy Araneta, manugang ng namatay na diktador na si Ferdinand Marcos, sa posibleng “universal settlement” ng P140 billion na yaman. Ang usapin sa yaman na ito ng mga Marcoses ay nakasampa sa 520 local cases. Itinanggi naman ni Araneta ang settlement na sinabi ng PCGG. Wala raw deal na nangyayari. Hindi raw totoo ang mga lumabas na balita na may midnight deal.
Wala raw nangyayaring usapan ukol sa “hidden wealth” pero sabi naman ni Abcede ay meron at may posibilidad na magkaroon ng settlement. Hindi malaman kung sino ang nagsasabi nang totoo. At ang sabi pa ni Abcede, ano ang masama kung makipagkita siya kay Araneta. Social lunch daw iyon. Wala raw siyang itinatago. Wala raw shady deals.
Nabatikos na rin si Abcede ilang taon na ang nakararaan nang mapiktyuran si dating Unang Ginang Imelda Marcos nang dumalo sa kanyang birthday party. Bakit daw tila malapit siya sa Unang Ginang?
Nakapagdududa na ang nangyayaring ito na ang mga inatasang mag-imbestiga at bumawi sa mga “nakaw na yaman” ay nakadikit na sa mga iniimbestigahan. Ano ang silbi kung walang napapakinabang ang taumbayan?
Buwagin na ang PCGG sapagkat ginagatasan lamang ng mga commissioners. Ipaubaya sa bagong presidente ang pagbuo ng bagong hahabol sa mga nakaw na yaman ng Marcoses.