Paghirang sa manikurista, hardinero binabatikos
BINABAHA ako ng e-mail mula sa mga mambabasa. Binabatikos si Gloria Macapagal Arroyo sa pagpuwesto sa personal na manikurista at kadugong hardinero. Palakasan daw, hindi merito, ang rason sa pagpuwesto. Kaya si beautician Anita Carpon ay P130,000-kada-buwang trustee ng Pag-IBIG Fund, at si Armando Macapagal ay Luneta Park Administration deputy.
Narinig ni Luisa Enciñas ang radio interview kay Pag-IBIG president Jaime Fabiaña. Kinakatawan umano ni Carpon sa Pag-IBIG board ang government employees, pero hindi alam ni Fabiaña kung civil service eligible ito. “Bakit gan’un,” usisa ni Enciñas. “Kailangan civil service eligible para magtrabaho sa rank and file ng gobyerno, pero hindi kapag board member?”
Nagkuwento si John ng karanasan: “Hindi ko malaman kung matatawa o maiinis ako sa appointments. Nagtrabaho ako sa Pag-IBIG bilang casual employee. Binuro ako nang walong taon, miski may civil service eligibility ako at ipinasa ko ang exam sa unang kuha. Nagsawa na lang ako maghintay ma-regularize. Sa Pag-IBIG kailangan ay may kamag-anak o backer ka sa taas.”
Hinala naman ni Rey Guarin: “Pumopronta lang ang dalawa para sa mga sikretong sponsor na pumipiga ng perang gobyerno. Matagal nang modus operandi ang pagpuwesto sa mga di-kuwalipikadong maliliit, para hatian ng suweldo at perks ang mga malalaking backer — na nagdidikta rin ng mga ‘pagkakaperahang’ deals. Nagkakapoder sila nang walang pananagutan.”
Isa lang si N. Dizon na kumuwestiyon din sa kuwalipikasyon, lalo na sa high school records, ni bagong Northrail chairman Paolo Hizon. Umano’y prente lang si Hizon sa mga negosyo’t ari-arian ng isang kamag-anak ng Presidente.
At ayon kay Marilou F.: “Iniluklok ni Arroyo sa Duty Free Philippines ang manugang ng isang maimpluwensiyang lay preacher.”
- Latest
- Trending