PAPATAPOS na ang election season. Ilang araw na lang at lalarga na tayo papunta sa mga presinto para bumoto ng ating mga bagong leaders. Marahil, litung-lito na ang bawat Pilipino. Sino ba sa mga kandidato ang tutupad sa matatamis na pangako? Kung minsan kasi, may mga kandidatong gumagawa ng mga pangakong wika nga sa Inggles ay “too good to be true” o incredible. Kaya naman dahil dito’y pinagdududahan ang katinuan ng kanilang isip.
Bago sumapit ang araw ng eleksyon sa May 10, pakatiyakin natin na ang mga napili nating iboto ay yaong makakapagpatupad ng kanilang mga pangako. Baka kasi ang mga pangako nila’y epekto ng kanilang bipolar mind.
Tanong ng barbero kong si Mang Gustin, ano’ng “bi-polar”? Ito ay isang uri ng depekto sa pag-iisip. Isang manic-depression o psychiatric condition na nagpapabagu-bago sa takbo ng isip ng isang tao. Mood swings wika nga. May pagkakataong normal ang kilos niya’t galaw pero kung minsan ay may mga kakatwang mga pahayag at ginagawa.
Don’t get me wrong dahil tila ginagamit sa mga demolition strategies ang ganitong isyu laban sa ilang kandidato. Ang sa’kin lang, mabuting maging mapanuri tayo sa karakter ng mga tumatakbo for public office. Mapanuri at hindi mapanira.
Tingnan natin ang situwasyong ito na tunay na nangyari sa Makati City. Isang kandidato para sa national office ang biglang nagwala umano. “Iyang bahay na may streamer na iyan (ng kalabang kandidato) ipagigiba ko iyan” ang nagngingitngit na pahayag ng kandidato. Para yatang hindi ma-take na may mga taong hindi siya ang suportado kundi ang kalaban niya.
Mahigit daw sa isang dosenang tao ang naka-rinig sa pagkapikon ng kandidato. Inulit pa raw ng kandidatong ito ang pahayag sa mga residente ng isang tahanan sa may Lanzones St. na sumusuporta umano sa kanyang kalaban.
Gusto kong isiping dala lamang ito ng pagod dahil sa walang patumanggang paggalugad sa buong bansa upang mangampanya. Pero gaano ko man isipin, hindi tamang attitude ito at nagpapakita ng kawalan ng katinuan ng isip.