EDITORYAL - Suriin nang todo ang mga iboboto
SA darating na Lunes ay election na. Napakamahalagang araw para sa mga Pilipino para isakatuparan ang karapatang bumoto. Maitatala sa kasaysayan ang petsang Mayo 10, 2010 kung saan ay kauna-unahang ginawa ang automated elections. Pagkaraan nang matagal na panahon, nagkaroon din ng katuparan ang pangarap nang maraming Pinoy na maging automated ang elections. Sa Asia ay napag-iiwanan ang Pilipinas kung ang pag-uusapan ay tungkol sa pagkamo-derno ng elections. Marami nang kalapit bansa ang automated ang elections. Mabilis ang pagboto at pagbibilang kaya pagkalipas ng 24-oras ay malalaman na ang mga nanalo, ayon sa Comelec.
Marami nang nagkamali sa pagboto ng kandidato. Ang ibinoto at inaasahang tutulong at magtatanggol sa oras ng pangangailangan ay hindi pala tunay na maaasahan. Mahusay lamang palang mangako at kapag nakapuwesto na ay nalilimutan na ang mga pangakong binitiwan. Matapos pagkatiwalaan nang maraming boto ay hindi na niya maalalang lingunin ang mga pinagkautangan. Bahala na kayo sa buhay n’yo!
Sa Lunes ay huwag basta bumoto. Kailangang kilatisin muna nang maraming beses ang iboboto. Tama na ang mga pagkakamaling nagawa sa nakaraan. Hindi na dapat maulit ang pagkakamali na ang naiboto ay hindi pala karapat-dapat. Suriin ang kandidatong iboboto. Tingnan ang kuwalipikasyon.
Tanungin ang sarili bago tuluyang itiman ang hugis-itlog. Hindi kaya mang-aaubuso ang kandidato ko? Hindi kaya magnanakaw ang kandidato ko? Hindi kaya makikipag-transaction nang lihim sa mga dayuhang negosyante. Hindi kaya mandadaya ang kandidato ko? Hindi kaya magpapasarap at bibiyahe nang bibiyahe ang kandidato ko?
Ilan lamang ang mga ito pero makatutulong kahit paano. Maging mapanuri sa inyong mga iboboto. Magkaroon na ng aral sa mga nakaraang election. Nararapat na magkaroon ng pagbabago sa bansang ito. Mangyayari ito kung magiging matalino sa pagboto.
- Latest
- Trending