Moralidad
SIYEMPRE ibabalewala ng magka-tandem na Erap at Binay ang pangangaliwa sa kanilang mga asawa. Siyempre wala sa kanila iyon. Siyempre sasabihin na tao lang sila, at pinatawad na ng kanilang mga maybahay. Lahat iyan hindi isyu para sa kanila. Kasi hindi naman sila ang nasaktan. Lumabas ang isyu ng pangangaliwa ni Makati Mayor Jojo Binay kailan lang. At agad namang inamin, sabay pahayag na pinatawad na siya at hindi na isyu dahil matagal na rin iyon. Siguro nga hindi isyu sa pamilya nila. Malamang hindi rin isyu sa maraming lalaki sa Pilipinas na tila tanggap na normal na mangaliwa ang lalaki. Pero para sa karamihan ng babae, mahirap tanggapin ito, at hindi rin madaling kalimutan.
Ang isyu ko rito ay hindi puilitika kundi moralidad. Lagi na lang, kapag may nahuhuling lalaki na may kalaguyo, tila napakadaling tanggapin at patawarin. May mga okasyon na pinalalabas kasalanan pa ng babae kaya nangaliwa ang asawa! Iyan ang kultura sa ating bayan pagdating sa ganyang usapin at isyu. Alam naman ng lahat kung gaano karaming anak mula sa ibang babae si Joseph Estrada. Pero ni hindi naging isyu ito noong tumakbo at nanalo noong 1998. Ngayon, tumatakbo na rin si Jojo Binay. May okasyon din ng pangangaliwa. Pero walang isyu raw iyan. Kung pinatawad, wala na tayong masasabi diyan dahil personal na bagay naman talaga. Pero huwag naman sanang sabihin na hindi isyu, at okay o normal lang lahat. Kahit ano pa ang sabihin, mali iyon.
Kaya mababa na ang moralidad ngayon sa lipunan, Kung ang liderato tila tanggap ang mga pagkakamaling iyan, paano nga mapapairal ang moralidad, lalo na sa mga bata? Nakakagulat pa ba ang mga balita na sa mga tinatawag na “open party” ay nagkalat ang mga gamit na condom sa lugar ng party? Ito’y mga high school na mag-aaral! Parang tanggap na ang ganyang klaseng pamumuhay, dahil ganun din naman ang liderato. Ganito ba ang gusto natin para sa mga kabataan natin, na tanggapin din nila ang mga ganyang sitwasyon dahil tao lang naman at normal lang lahat iyan?
Pagbabago patungo sa tama ang isinusulong natin, hindi iyong tanggapin na lang ang mga pagkakamali dahil tao lamang. Kung ganun, puwede na rin tanggapin ang lahat ng katiwalian na nagawa sa ilalim ng administrasyong Arroyo, dahil tao lang din naman sila, nasilaw sa pera. Ganun ba, mga kapamilya?
- Latest
- Trending