NAGTATAKA ang mga Pinoy dito sa Amerika ang balita kung bakit nakikipag-unahan na naman daw si dating President Estrada sa mga nangungunang kandidato sa pagka-presidente. Napatunayan na raw na napakaraming naging kasalanan nito sa bansa at mamamayang Pilipino. Saksi ang marami sa mga masasamang bisyo gaya ng pagsusugal at pambababae.
Hindi na raw ba natuto ang mga Pinoy sa pag-uugali ni Erap upang piliin ito na mamuno muli sa bansa. Inakala ng Pil-Ams na lahat ng mga Pinoy ay nagkaisa nang pinatalsik si Erap sa Malacañang. Pati nga mga dating mga kaibigan at mga supporters ni Erap ay nainis na rin dahil hindi na masikmura ng mga ito ang pinaggagawa ni Erap.
Ba’t ngayon ay mukhang nagbabago na naman ang isipan nila kay Erap at may mga balita na susuportahan na naman ng mga ito ang dating presidente.
Sa pinaka huling poll survey na tumatabla na raw si Erap kay Manny Villar. Saan daw galing ang ginawang survey at tatalunin ni Erap si Villar na mas popular ngayon at mas maraming pera para sa kampanya.
Kung sabagay, parehong hindi gusto ng mga Pinoy dito sina Erap at Villar. Marami pa rin na si Noynoy Aquino ang pinipili na manalo sa pagka-presidente sa darating na eleksiyon.
Ano ang nangyari at nabalewala ang ipinag-uutos ng batas kay Erap? Bakit pinapayagan ni President Arroyo at mga may kinalaman sa hustisya na hindi sundin ni Erap ang batas? Sila ba ang nagkamali sa pagpapalaya kay Erap? Lumalabas na sila nga ang nagkasala sapagkat malakas ang loob ni Erap na gawin kung anuman ang gusto niya. Ano ba talaga ang tunay na score? At sana nga ay masagot din ang katanungan ng Pil-Ams kung bakit marami pa rin ang sumusuporta kay Erap ngayon sa kandidatura niya.