26 Abril 2010
G. Alfonso G. Pedroche
Editor-in-Chief
Pilipino Star Ngayon
R. Oca St. corner Railroad St.
Port Area, Manila
G. Pedroche,
Ito ay ukol sa pitak na “Ora Mismo” ni G. Butch Quejada na lumabas sa Pilipino Star Ngayon noong Abril 20, 22 at 24.
Para sa kapakanan ng mga miyembro at empleyado ng SSS at pati na rin ng inyong mga mambabasa, ito ang aming tugon:
“Sa mga nakaraang araw, si Neri at ang mga miembro ng SSC (Social Security Commission) ay natuon lang ang interes sa pag-promote ng ilang piling nilalang sa kabila ng alam naman nilang labag na sa batas ng eleksyon ang kanilang ginagawa.”
Ang SSS ay sumunod sa election ban. Walang mga transfer, promotion at hiring sa loob ng mga panahong bawal ang mga ito. Sa ilalim ng election ban, hindi pwedeng mag-promote ng empleyado mula Marso 26 hanggang Mayo 10.
Ang mga rank-and-file employees ay na-promote ni Sec. Neri noong Marso 23. Kinumpirma naman ng SSC ang promotion ng limang senior officals noong Marso 25.
“Inilagay ni Neri ang kanyang mga bitbit na alipores sa mga permanenteng posisyon sa SSS kapalit ang mga empleyado na matagal nang nagtatrabaho. Si Rizalino Estrella ay ipinalit niya sa contractual na si Ramon Usison, na siyang driver ng San Mateo branch sa loob ng 16 na taon. Si Thelma na nasa Office of the President ang item ay inilipat upang ibigay ang item sa co-terminus na alalay niya.”
Hindi kwalipikado si Ramon Usison dahil may tatlo na siyang kamag-anak na regular na empleyado ng SSS. Malinaw sa SSS Merit Selection Plan (MSP) na aprubado ng Civil Service Commission ang “absolute prohibition,” na nagsasabing ang isang aplikante na may hindi bababa sa dalawang kamag-anak na regular na empleyado sa SSS ay hindi na pwedeng ma-regular, maliban na lamang kung siya ay may “superior qualifications.”
Si Gng. Thelma Diaz naman ay na-promote kaya nabakante ang kanyang item. Dahil sa kanyang mga kwalipikasyon, nanguna siya sa ranking ng Personnel Selection Board (PSB) para sa posisyong Senior Executive Assistant ng Office and General Services Division.
“Ilan sa mga na-promote sa mataas na posisyon (SVP and VP) ay kelan lang dumating sa SSS at kulang ang kakayahan at experience upang ma-promote ay nauna pa sa mga dinatnan na mga executives na nagbuhos ng kanilang buong panahon at kakayahan sa SSS.”
Ang “work experience” ay isa sa maraming basehan para sa pagpili ng mga executives na mapo-promote, ngunit ang promotion ay hindi nadadaan lamang sa pahabaan ng serbisyo sa SSS.
Masusing tiningnan ng PSB, ni Sec. Neri at ng SSC ang mga kwalipikasyon ng mga na-promote base sa kanilang work experience, education and eligibility, knowledge and skills, exam results, interview at performance para masiguradong ang mga dapat ma-promote ang mabibigyan ng promotion.
“Ipinagwalang bahala ni Neri at ng Social Security Commission ang kanilang sariling Resolution No. 509 na nagrekomenda ng promosyon para sa halos 100 branch managers at mid level officers na ang posisyon ay officer-in-charge sa mahigit na 10 taon na ang nakakaraan at sa halip ay nag-promote ng 9 na senior officers na walang basehan.”
Hindi totoong binalewala ni Sec. Neri at ng SSC ang Commission Resolution No. 509, na ukol sa pagpo-promote ng mga OICs.
Sa katunayan, isinumite na ni Sec. Neri sa SSC ang rekomendasyon niyang ma-promote ang mga OICs noong Marso 25. Sa kasalukuyan, inaaral ng SSC ang mga dokumento ng mga OICs para makumpirma ang kanilang promotion pagkatapos ng ban.
(Sundan Ang Karugtong Sa Sabado)