Pamana

NANG tinanggap ko ang pagkakataong maglingkod na Executive Vice-President sa Pamantasan ng Lungsod ng Maynila (PLM), ang tangi kong koneksyon sa PLM ay ang pagpondong binigay dito ng Lungsod ng Maynila noong dati akong nanilbihang Konsehal. Nang kinailangang ayusin ang rekord ng Pamantasan upang maituwid ang pagsulat ng kasaysayan nito, noon ko lang nadiskubre ang papel na ginampanan ni Ambassador Ernie Maceda, dating Senate President na nag-umpisa sa pulitika bilang Konsehal ng Maynila, sa pagkakatatag nito.

Ang aking ama ay ang nakapuwestong Chairman ng lupon ng pananalapi ng magpasyang pondohan ng Konseho ang kauna-unahang pampublikong pamantasan na itinayo ng isang pamahalaang lokal. Ngayon, mahigit 50 years mula nang pinanukala, ang PLM ay nangunguna hindi lamang sa mga sumunod ditong Lokal na Pamantasan kung hindi pati na rin sa mga State Universities at Private Colleges and Universities sa paghatid ng de-kalidad na edukasyon.

Sa parehong termino ng aking ama – taong 1959 – may isa pang haligi ng serbisyo ng Lungsod ng Maynila na napanukala at napondohan ng Konseho. Ito ay ang Ospital ng Maynila (OM). Bilang Manilenyo, ipinagmamalaki natin itong mga institusyon ng paglilingkod na sa matagal na panahon ay nakapaghatid ng hindi mabilang na ginhawa at pagkakataon sa libu-libong Manilenyo. Bago ito naitatag ay walang ibang matakbuhang pamantasan o pagamutan ang mga pobreng residente ng Lungsod kung hindi ang mga pribado at napakamahal na mga higanteng Unibersidad at Ospital.

Marami sa mga miyembro ng Konseho na nanilbihan noon ay nabaon na sa limot. Ganun talaga ang kapalaran ng mga nangangahas magserbisyo. Subalit habang ang PLM at ang OM ay patuloy na nakapaghahatid ng edukasyon   at panlunas, ang kanilang pinaghirapan ay todo-todong            napapakinabangan. Ito’y mas matinding gantimpala hambing sa anumang pag-alala na maaring ibigay sa kanilang mga pangalan.

Si Mayor Alfredo Lim at ang kasalukuyang Konseho ay nagpapatuloy sa ganitong uri ng paglingkod. Sa ngayon ay mayroon nang Ospital ang bawat isa sa anim na distrito ng Maynila at dalawa na ang Pamantasan sa Maynila nang mailapit ng husto sa tao ang serbisyong dapat lang nitong asahan sa pamahalaan. Tulad ng PLM at ng OM, ang mga bagong institusyon ay makatutulong sa hene-henerasyon na Manilenyo at magsisilbing pinakamagandang pamanang iiwan ng ating magigiting na lokal na lingkod bayan.

Show comments