Suko na sa mga private army
NANG maganap ang Maguindanao massacre, napag-usapan nang husto ang peligro ng private army sa isang lugar. Kadalasan mga pulitiko ang may mga private army, na ginagamit para hawakan ang isang teritoryo, at para takutin na rin ang sinumang gustong humamon sa kanyang kapangyarihan. Ang naganap na massacre ay pinakamalagim na halimbawa kung ano ang ka-yang gawin ng isang pulitiko at kanyang pribadong army sa kanyang kalaban.
Kaya ang opisyal na naatasan para buwagin ang mga private armies na ito ay nagpahayag na hindi ito magagawa para sa darating na halalan, dahil may mga pulitiko na hindi bibitawan ang kanyang army, kahit ano pa ang mangyari. Ito’y dahil pag nawala na ang mga armadong grupo na iyan, halos wala nang kapangyarihan ang mga pulitiko na iyan. At kapag wala nang kapangyarihan, babalikan na siya ng mga taong inapi niya, o ng kanyang kalaban sa pulitiko. Ganyan naman ang mga iyan. Ang kanilang lakas ay nasa dulo ng baril, hindi dahil sila’y magagaling na mambabatas o pinuno.
Ito ang dahilan kung bakit may nababalitaan pa tayong mga tambangan at barilan sa mga lalawigan, sa halip ng pambansang gun ban. Habang papalayo sa Metro Manila, palala naman ang kawalan ng batas. Masisisi rin ang mga pulis at sundalo, na kung hindi naman kinukunsinti ang mga gawain ng pulitiko, nasa bulsa na rin nila. Hindi kataka-taka kung bakit nagpahayag na si Justice Monina Arevalo-Zenarosa ng Commission Against Private Armies na hindi kayang buwagin ang mga private armies para sa darating na halalan, o baka kahit kailan. Malalim na ang ugat ng kaugaliang pulitiko ang mapaligiran ng mga armadong tao. Pati na ang hilig ng Pilipino sa baril. Mahirap baguhing kaugalian. Magmula nung dekada sisenta hanggang sa kasalukuyan, ganyan na ang pulitika sa Pilipinas.
- Latest
- Trending