INAMIN ng Amerikanong tagapagsalita ni Gloria Macapagal Arroyo na iniluklok nga niya ang personal na manikurista at hardinero sa gobyerno. Pero ginulo rin ng dayuhan ang isyu -- taktika ng naiipit. Nagpapaawa epek, aniya huwag husgahan sina beautician Anita Carpon at hardinero Armando Macapagal dahil sa kanilang mababang estado sa buhay. Nilagay daw ni Arroyo sa board of trustees ng Pag-IBIG Housing Fund si Carpon at bilang deputy ng Luneta Park Administration si Macapagal para umano kumatawan sa mga katulad nilang “ordinaryong tao.”
Nililihis ng spokesman ang scoop ko sa Philippine Star tungkol sa dalawa. Inulat ko na mismong mga propesyonal na housekeeping staff ng Malacañang ang nagtataka kung ano’ng credentials ang ginamit ni Arroyo sa paghirang. Anila, si Carpon na tagakutkot ng kuko’t kalyo ni Arroyo, ay madalas niyang bulyawan dahil sa maling pagterno ng handbag at sapatos. Wala umano siyang galing sa finance para pamunuan ang bilyon-pisong pondo natin sa Pag-IBIG. Si Macapagal nama’y taga-landscape ng hardin ng Palasyo. Wala siyang karanasan mamuno ng tauhan bilang deputy.
Ang isyu dito at kakayahan. Tama lang na magtalaga si Arroyo ng mga ordinaryong tao sa gobyerno, pero ang pamantayan dapat ay galing -- hindi palakasan. Sa kaso ni Carpon, pagiging malapit lang sa Presidente ang rason sa appointment; kay Macapagal, malamang ay dahil kamag-anak. Walang maipakitang katibayan ang dayuhang tagapagsalita ni Arroyo na dalubhasa si Carpon para tumanggap ng P130,000 kada buwan sa fixed term na dalawang taon, o si Macapagal para maging deputy.
Ang paglilihis ng isyu ay ginamit din ng Malacañang nang ibisto ko na nagbulaan ni Arroyo nu’ng Hulyo 2009.
In-expose ko nu’n na di totoo ang pagpapa-ospital niya bilang post-travel self-quarantine laban sa bird flu. Nagpa-repair siya ng leaking breast implant at nagpatanggal ng buhok sa kilikili atbp. Hirit ng spokesmen na wala raw boob job si Arroyo, pero napilitan ito umamin na meron nga. Pero ang isyu ay pagbubulaan.