MAHIGIT dalawang buwan na lamang sa puwesto si President Arroyo pero marami pa ring kontrober-siyang nahahalungkat sa estilo ng kanyang pamumuno. At tila wala na siyang pakialam kung mabuking man ang kanyang mga ginagawa. Hindi na siya apektado anuman ang sabihin ng mga kritiko. Namanhid na nga siguro dahil sa dami ng mga nabubuklat na isyu sa kanya at kaliwa’t kanan namang inupakan sa loob ng siyam na taon.
Ang bagong isyu sa presidente ay nang italaga niyang miyembro ng board ng Home Development Mutual Fund o Pag-IBIG ang kanyang manikuristang si Anita Carpon. Ang pagtatalaga kay Carpon ay binunyag ni PSN columnist Jarius Bondoc. Bukod kay Carpon, isa pang tauhan ng presidente ang inilagay sa top level posts. Itinalaga ni Mrs. Arroyo ang kanyang hardinerong si Armando Macapagal na deputy sa Luneta Park Administration. Si Carpon umano ay sasahod ng P130,000 bawat buwan bilang board member ng Pag-IBIG. Hindi naman nabatid kung magkano ang susuwelduhin ni Macapagal bilang pinuno sa Luneta Park.
Ang nakapagtataka rito, mismong ang tagapagsalita ni Mrs. Arroyo ay hindi masabi kung ano ang kuwalipikasyon ni Carpon at Macapagal sa pagkakatalaga nila sa puwesto. Hindi malaman ni deputy presidential spokesman Gary Olivar kung paano sasagutin ang tanong kung ano ang mga kuwalipikasyon at naitalaga ang dalawa. Ang nasabi lamang ni Olivar, si Carpon daw ay isang government employee at nilagay sa board ng Pag-IBIG para magrepresenta sa mga manggagawang may mababang sahod. Gusto raw ng presidente na ang isang mababa at mahirap na government employees ay maging representante sa board sapagkat nalalaman ang tunay na nadarama ng mahirap.
Hindi raw tama na kuwestiyunin ang dalawang itinalaga ng presidente dahil lamang sa mababang katayuan sa buhay. Ayon kay Olivar, hinihintay pa niya ang iba pang kuwalipikasyon ni Carpon at Macapagal.
Sa ginawang pagtatalaga sa manikurista at hardinero ay nakikita na kung anong klaseng pamumuno meron ang kasalukuyang administrasyon. Basta may koneksiyon ay maaaring makapasok. Kahit na bayuhin pa ng batikos ay hindi mapipigil. Walang alam ang spokesman ni Mrs. Arroyo sa kuwalipikasyon ni Carpon. Kakatwa ito. May alam kaya si Carpon sa pagpapatakbo ng ahensiya na ang kasangkot ay perang nakokolekta sa mga miyembro? May karanasan na ba ito sa paghawak ng mga tao?
Hindi dapat magtalaga si Mrs. Arroyo ng mga taong kaduda-duda ang kuwalipikasyon sa mga sensitibong posisyon sa gobyerno.