PARANG delubyo ang reklamong bumagsak kay DOJ secretary Alberto Agra dahil sa kanyang rekomendasyon na palayain na ang dalawang akusadong Ampatuan sa Maguindanao massacre dahil sa kakulangan ng ebidensiya. Wala raw matigas na ebidensiya laban kina Zaldy Ampatuan at Akmad Ampatuan na sila’y kasama sa pagplano ng nasabing massacre. Halos lahat ng sektor, hindi lang mga kapamilya’t kamag-anak ng mga biktima ang nagpahayag ng dismaya sa desisyong ginawa ng hepe ng DOJ. Mismong mga prosekyutor na nasa ilalim ng DOJ ay nagpahayag ng dismaya at reklamo sa desisyon! Kailangan daw pag-aralan muli dahil may sapat na ebidensiya para kasuhan ang dalawang Ampatuan. Malaki ang sinasabi niyan kung mismong mga tao na ng DOJ ang nagrereklamo sa kanilang kalihim!
Pinalitan ni Agra si Agnes Devanadera na tumatakbong kongresista. Kilala siyang matapat na taga-suporta ni President Arroyo. Kasama siya sa grupo ng mga abogado na ipinagtanggol ang presidente sa mga impeachment case na isinampa sa kanya. Ang tanggapan ng DOJ ay hindi na bago sa kontrobersiya. Sa mga nakaraang taon, sa ilalim ng administrasyong Arroyo, maraming bilanggo na gumawa ng karumal-dumal na krimen ang pinalaya. Batikos ang inabot ng DOJ sa mga pagpapalayang ito, pero binale-wala lang ng dating DOJ sec. Raul Gonzales. Nakuha pa nitong maging arogante sa mga bumabatikos, kahit miyembro pa ng pamilya ng mga biktima! Tila sumusunod sa yapak ni Gonzales si Agra. Tapat sa Presidente at mukhang binabale-wala ang mga kasalukuyang batikos hinggil sa kanyang desisyon.
Ang bola ngayon ay nasa sala na ni Judge Solis Reyes kung susunod sa rekomendasyon ni Agra, o babaliktarin at itutuloy ang paglilitis sa dalawang Ampatuan. Hindi talaga matatanggal sa isipan nang marami, kasama na rin ako, na may kinalaman ang Palasyo sa desisyong ito, kahit anong pagtanggi pa ang gawin nila. Kilalang mga taga-suporta ni Arroyo ang mga Ampatuan. Kung sino ang sinusuportahan nila ngayon, di pa matiyak pero may hinala na ang marami. Sina Zaldy at Akmad ang mga unang mapapalayang pinuno ng pamilya Ampatuan kung sakali. Makapangyarihan pareho, at makakapag-utos na ng kanilang mga alipores. Sigurado marami na silang planong gawin magmula nang sila’y mahuli at makulong. Baka makabasa ulit tayo sa diyaryo o mapanood muli sa TV kung ano ang magaganap sa Maguindanao kapag nasa mga kampo muli nila ang dalawa. Lalo na’t alam ng buong bansa na sila’y inakusahan at pansamantalang nakulong bilang mga suspek sa pinaka malaking krimen sa Pilipinas!