Tinyente Iskariote
SI Cong. Annie Susano ang pinakahuli sa humahabang listahan ng mga tinyente ng LAKAS-Kampi-CMD, dati’y kahalikan ni Gibo, na bumalimbing na nitong homestretch ng kampanya. Kung sina Boyet Gonzales at Joey Salceda ay sa Liberal Party sumapi, si Boy Nograles sa Nacionalista Party kumakatok, si Susano nama’y sa PMP ni ERAP sumumpa. Natawa lang si ERAP nang maitanong kung mayroon na ring Eraparroyo, kasunod ng Villaroyo at Gloriaquino.
Ayos din naman ang pulitika dito sa ‘tin. Sa Pilipinas, Hari ang Balimbing. Bago pa man nag-umpisa ng kampanya, kaliwa’t kanan nang panghuhudas ang nangyari. Wala ni isa sa mga pangunahing kandidato ang maaring magmalinis dahil lahat sila’y walang kondisyon o pakundangang tinanggap ang pagsapi ng mga nagbagong isip. Gaano man kalaki ang ginampanang papel ng tinyente sa tagumpay ng rehimeng Arroyo, waay kaso. Madalas, sila pa ang nanulsol.
Ang ganitong musical chairs ng pulitiko ay pruweba ng kakulangan ng party system sa ating pulitika. Kahit si Noynoy at si Manny ay isinama pa sa plataporma nila ang pagpapa-lakas ng two-party system, hindi kailanman maaring tibagin ang katotohanan ng personality politics. Ang pagkaiba ng kulay ng kandidato ay cosmetic o panlabas lamang. Tanggalin mo man o ipagpalit-palit ang dilaw, orange at berde, sa ilalim ay iisa lang ang kulay: Itim.
Kung ang mga namumuno ay magbubulag-bulagan at susugal sa kawalan ng paninindigan ng kanilang tinatanggap, ganito rin ba dapat ang iasal ng taong bayan? Noong panahon ni Hitler at ni Yamashita, hindi pinalampas sa Nuremberg at Tokyo war crimes trials ang mga tinyente – kahit pa ikatwirang sumusunod lamang sila sa utos, hindi
sila pinagbigyan dahil may sapat naman daw silang pang-unawa para alamin ang tama sa mali. Tayo rin ba ay makikiisa sa ganitong uri ng liderato – ok lang na talikuran ang paniwala, balewalain ang palabra at kalimutan ang plataporma?
Kung ganon din tayo ay talagang karapat-dapat lang na sina Bo-yet, Joey at Annie na nga ang ating mga kinatawan.
- Latest
- Trending