EDITORYAL - Isa-isa nang napapawalang-sala
UNANG napawalang-sala sa kasong rebelyon si dating Maguindanao governor at kaalyado ni President Arroyo na si Andal Ampatuan Sr. isang buwan na ang nakararaan. Wala raw sapat na katibayan para madiin sa kasong rebelyon si Andal Sr. Ito ay sa kabila na sandamukal na baril, bala, pampasabog at tangke ang nakuha sa bahay ng mga Ampatuans. Ang iba pang mga armas ay ibinaon.
Makaraan ang isang buwan, ang kaso naman ni dating Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM) governor Zaldy Ampatuan at pinsan niyang si Mamasapano Mayor Akmad Ampatuan ang na absuwelto. Wala raw pakikipagsabwatan ang dalawa sa nangyaring pagpatay sa 57 katao (karamihan ay mga mamahayag) noong Nobyembre 23, 2009. Ganoon man, ang kasong rebelyon na nakasampa sa kanila ay magpapatuloy, ayon sa Department of Justice. Subalit tiyak na makalulusot din ang dalawa sa rebellion case dahil ang matandang Ampatuan ay nakalusot na nga. At kung nakalusot ang ARMM governor at ang kanyang pinsan sa pakikipagkutsaba sa mass murder, maaari rin namang makalusot ang matandang Ampatuan sa ganyang ding kaso.
Inuunti-unti ang kaso ng mga Ampatuan. Unang inilulusot ang mga kamay, kasunod ang mga paa, katawan at pagkatapos ay ang ulo na. Nakikita na ang katotohanan dahil sa sunud-sunod na pagbasura sa mga kaso. Ang tanging naiiwan ay si dating Datu Unsay Mayor Andal Ampatuan Jr. na itinuturong nanguna sa pagmasaker sa 57 katao. Umano’y si Andal Jr. pa ang bumaril sa mga mamamahayag kahit na nagmamakaawa na ang mga ito. Sabi, mahihirapan daw si Andal Jr. na makalusot sa kaso niya. Hindi raw basa-basta mababasura ang kaso niya.
Sa bansang ito ay walang imposible lalo pa nga at “napaglalaruan” ang sistema ng hustisya. Kahit na karumal-dumal at walang kasingsama ang ginawa ng isang akusado ay nababaluktot din at napapawalang-sala. Kaya hindi masisisi ang taumbayan kung mawalan ng tiwala sa mga pinuno at lalo pa sa mga nagpapatupad ng batas. Ang iba ay inilalagay na lamang sa kanilang “kamay ang batas”.
- Latest
- Trending